NAGHAIN si Senador Francis “Chiz” Escudero ng reklamo sa Korte Suprema laban kay Atty. Jesus Nicardo Madarang Falcis III nitong Lunes, Setyembre 29.
Hinihiling ni Escudero ang disbarment o pagtanggal sa lisensya ni Falcis dahil sa umano’y serye ng iresponsable at mapanirang social media posts na malinaw na lumabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) ng Philippine Bar.
Sa reklamo, inilatag ng senador ang mga banat ni Falcis mula Hulyo hanggang Setyembre 2025 kung saan tinawag umano siya ng abogado na “shameless,” “the worst Senate President in history,” at paulit-ulit na “bulok na keso.”
Giit ni Escudero, hindi na ito basta opinyon kundi malisyoso, mapanlait at nakakasira — dahilan para tuluyan nang tanggalin si Falcis sa talaan ng mga abogado.
“May karapatan ang publiko na pumuna, pero bilang abogado, may obligasyon siyang magsalita nang may dignidad at respeto. Lumampas siya sa hangganan,” diin ni Escudero.
Binanggit pa ng senador na dati nang nakasuhan si Falcis ng contempt ng Korte Suprema, patunay na hindi ito natuto sa mga paalala ng hukuman.
Kasama rin sa reklamo ang pagbanggit sa mga precedent case: noong 2022, dinismiss si Atty. Berteni “Toto” Causing dahil sa pag-post ng draft plunder complaint sa Facebook, at noong 2023, tinanggalan ng lisensya si Atty. Larry Gadon matapos magmura at gumamit ng malaswang pananalita sa publiko.
Ayon kay Escudero, malinaw na hindi absolute ang free speech para sa mga abogado—lalo na kung ang mga salita ay sumisira sa tiwala ng publiko sa hustisya. “Hindi sapat ang suspension o reprimand. Dapat disbarment,” dagdag pa niya.
Binalaan din ng senador na ang mga tirada sa social media ay may global reach, kaya’t tungkulin ng mga abogado na mag-ingat at magpakita ng respeto bago maglabas ng anomang salita online.
