CHIZ, ROMUALDEZ HINDI NATIBAG

NAPANATILI ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang pagiging Senate President makaraang maihalal ng mga senador, sa unang sesyon ng 20th Congress nitong Lunes.

Sa botong 19-5, muling nahalal si Escudero bilang Senate leader na tinalo si Senador Vicente ‘Tito’ Sotto III na magsisilbi namang Senate Minority Leader.

Mananatili rin si Senador Jinggoy Estrada bilang Senate President Pro Tempore habang si Senador Joel Villanueva ay manunungkulan bilang senate majority leader na siya ring chairman ng Senate Committee on Rules.

Kasabay rin nito, itinalaga muli ng Senado si Atty. Renato Bantug Jr. bilang Senate Secretary habang naitalaga si retired Police Major General Mao Aplasca bilang Senate Sgt at Arms.

Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan ni Escudero ang kanyang mga kasamahan sa muling pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na muling maglingkod.

Kasabay nito, nanawagan siya sa mga kapwa senador na magtrabaho sa gitna ng ingay ng pulitika.

Tulad naman ng inaasahan, muli ring iniluklok bilang Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong 20th Congress si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Sa pagbubukas ng Kongreso kahapon bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ninominate ni Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez si Romualdez bilang Speaker ng 20th Congress.

Sinegundahan ang nominasyon nina Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Partido Federal ng Pilipinas; Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ng Nationalist People’s Coalition (NPC); Rizal Rep. Ronaldo Puno ng National Unity Party (NUP), Misamis Oriental Rep. Vicente Emano ng PDP-Laban at TUCP party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza na kinatawan ng Party-list Coalition Federation Inc. (PCFI).

Walang tumayong kalaban si Romualdez na nakakuha ng 269 boto habang 34 sa dumalo sa unang sesyon ng 20th Congress ang hindi bumoto o nag-abstain kasama na ang mga Duterte ng Davao.

“With two hundred sixty nine votes, the chair declare Leyte First District Congressman Ferdinand Martin G. Romualdez as the duly elected speaker of House of Representatives of the 20th Congress,” anunsyo ni House Secretary General Reginald Velasco.

Habang isinusulat ito, wala pang paliwanag ang Kamara kung bakit sa pinakamatandang miyembro ng Kamara na si Rep. Salvador Pleyto Jr., nanumpa si Romualdez na taliwas sa tradisyon na sa pinakabatang miyembro ng kapulungan dapat manumpa ang bagong Speaker.

“Ang tiwala ay hindi gantimpala, kundi panibagong hamon. At bawat hamon ay pagkakataon para maglingkod nang mas tapat, mas totoo, at mas buo,” ani Romualdez sa kanyang acceptance speech.

Sandro Bastonero

Samantala, itinalaga naman bilang bagong Majority Leader ang anak ni Pangulong Marcos na si Sandro.

Ilang linggo na ang nakararaan nang umugong ang 31-anyos na batang Marcos ay magiging “bastonero” sa 20th Congress at napatotohanan ito kahapon nang inominate ito sa nasabing posisyon at walang tumutol.

Si Rep. Marcos na nasa ikalawang termino pa lamang bilang kinatawan ng Unang distrito ng Ilocos Norte ang itinuturing na pinakabatang Majority Leader ng Kamara sa kasaysayan ng Kongreso. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

135

Related posts

Leave a Comment