CINEMA OPENING INURONG SA MARSO

IPINAGPALIBAN sa susunod na buwan ang muling pagbubukas ng mga traditional cinema sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Ito’y dahil sa nakabinbin pang pagpapalabas ng guidelines hinggil sa COVID-19 safety protocols.

Ang anunsyo na ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay tugon sa pangamba ng Metro Manila mayors ukol sa naging desisyon ng COVID-19 task force na payagan na ang muling pagbubukas ng mga traditional cinema kahapon. Ang dahilan ng MM mayors ay ang “higher risk” ng pagkalat ng virus sa “enclosed spaces.”

Ani Sec. Roque, ang muling pagbubukas ng mga sinehan ay ipinagpaliban upang bigyan ng pagkakataon ang mga concerned parties para magsagawa ng konsultasyon at payagan ang local government units na bumalangkas ng guidelines na ipatutupad.

Kaugnay nito, idinepensa ng Palasyo na ang usad-pagong na economic recovery ng bansa ang dahilan kaya sinang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pasya ng IATF sa pagbubukas ng iba pang negosyo simula Feb. 15.

“Well, naintindihan naman niya dahil talagang pinag-iisipan na rin ng presidente kung paano talaga tayo makakabangon dahil lumalabas na sa buong mundo isa tayo sa pinakamabagal na makakabangon kasi nga parang napakahaba at napakatagal na noong ating lockdown na ipinatutupad,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)

153

Related posts

Leave a Comment