Circular na nag-aatas ng ‘unbundling’ dinededma DUTERTE TABLADO SA OIL COMPANIES

(BERNARD TAGUINOD)

DINEDEDMA na ng mga kumpanya ng langis sa bansa si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kautusan sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE) na isapubliko ang pagpepresyo sa oil products.

Ito ang puna ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kasunod ng panibagong oil price increase na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis kahapon kung saan tumaas ng P1 ang bawat litro ng gasolina.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang DOE’s Circular No. DC2019-05-0008 na nag-aatas sa mga kumpanya ng langis ng ‘unbundling’ o idetalye ang gastos at kita ng mga ito sa bawat litro ng mga produktong petrolyo.

Imbes na sumunod ay naghain ng opposition ang mga kumpanya ng langis sa nasabing kautusan ng ahensya na pinamumunuan ng alter-ego ni Duterte na si Sec. Alfonso Cusi at tila wala naman umanong magawa rito ang pangulo.

“The Duterte government must insist on transparency through the DOE circular,” hamon ni Brosas dahil karapatan ng mga consumer na malaman kung tama ang presyo ng mga produktong petrolyo o hindi.

Sinabi ng lady solon na malaki ang epekto ng lingguhang oil price increase sa ekonomiya ng bawat mamamayan lalo na ang mahihirap dahil nangangahulugan ito ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo publiko.

“Hindi na nga matapus-tapos ang kananayan (mga ina) sa pagbabayad ng mataas na school fees para sa online classes ng mga anak, dumagdag pa ang halos linggo-linggong pagsirit ng presyo ng langis na tiyak na magdudulot ng mas lalo pang pagtaas ng presyo ng batayang serbisyo at bilihin. Masakit ito sa bulsa ng mga nanay,” ayon sa mambabatas.

Hinamon din nito ang mga kumpanya ng langis na iatras ang kanilang inihaing oposisyon sa nasabing circular ng DOE kung wala umanong itinatago ang mga ito sa kanilang presyo.

“Walang kailangang ikatakot ang malalaking kumpanya na ito kung naninindigan sila na walang overpricing na nagaganap,” dagdag pa ng mambabatas.

149

Related posts

Leave a Comment