NAGSALITA na ang dalawang business partner ng Cloud Travel Agency na sina Peter at Sharon matapos ang ating pagsisiwalat sa naging partisipasyon umano ng mga ito sa isang Chinese national na kamakailan ay hinarang ng mga tauhan ng BI Port Operations Division.
Ayon sa mga ito, sila diumano ay biktima lamang ng ‘setup’ mula sa sindikatong gumagalaw sa NAIA sa paraang ipinapasa lang daw sa ibang mga lehitimong travel agency para daw makalusot.
Nilinaw ng Cloud Travel Agency na bago pa man ang February 19 na Flight sa bansa ni Qui Jibiao mula Xiamen China ay nakatanggap sila ng referral upang mangasiwa sa pagdating nito at agad silang nagpabook ng hotel para dito ngunit iginiit nila na hindi nila alam na fake ang exemption letter na kaniyang bitbit mula sa Department of Foreign Affairs at biktima lamang din sila ng isang sindikato.
Iginiit din nila na walang ibang travel agency ang may gawa nito at nangako silang mag-iingat na sa susunod na mga referrals at handa rin umano silang makipagtulungan sa BI upang masugpo ang nasa likod ng sindikato.
Kaugnay nito , isang imbestigasyon ang ating isinagawa at lumalabas na kasabwat ng isang malaking sindikato ang ilang mga Opisyales at tauhan ng BI- TCEU sa NAIA?
Samantala, matapos ang ating pagsisiwalat sa kabulukan na nagyayari sa Cebu Airport ay lalong lumilinaw na may kasabwat na mga tiwali sa TCEU.
Ang masaklap ay tila wala rin kadala-dala ang mga hinayupak sa pambibiktima ng mga pasaherong Pinoy na palabas ng bansa na sinisingil umano nila ng 100k bawat isa?
Bakit kaya napakalakas ng loob at tila kasing tigas ng adobe ang pagmumukha ng mga taong sangkot sa ilegalidad na ito? Sino rin kaya ang nagbigay sa kanila ng go signal?
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng imbestigasyon sa Senado kaugnay sa mga Pinay na biktima umano ng Human Trafficking na ibinebenta ng mga kapwa Pinoy sa isang malaking sindikato ng white slavery sa bansang Syria.
Kung may katotohanan na kasabwat dito ang ilang opisyales ng TCEU, wala ba silang konsensya sa kahihinatnan ng ating mga kababayan sa ibang bansa? Mga wala ba kayong anak na babae?
Commissioner Jaime Morente Sir! Sa kabila ng kaliwat-kanang alegasyon na ito hindi ba dapat ay sibakin mo na ang mga tiwaling opisyal ng
TCEU kaugnay ng kanilang mga kapalpakan na kahiya-hiya na para sa ating mga kababayan. Sa kabila ng pandemya ay mayroon pang ganitong nangyayari.
Para po sa inyong Reaksyon at mga Sumbong na nais iparating maari ninyo akong itext sa 09158888410.
