NAGSIMULA nang kumilos ang Bureau of Customs para maipamahagi na ang mga inabandonang kargamento ng ALL WIN, CMG at Kabayan na matagal nang natengga sa Manila International Container Port (MICP).
Nauna nang inilabas ang mga container ng kontrobersiyal na CMG at dinala sa warehouse ng Atlas Shippers Delivery Services sa Gerona, Tarlac. Binuksan dito ang anim sa pitong container na pinangunahan ni bagong talagang BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz, kasama si MICP District Collector Romeo Rosales at ang pangulo ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) na Joel Longares.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Commissioner Ruiz sa pag-abandona sa mga kargamento at nagsabing pinag-aaralan na nila ang mga hakbang na pwedeng gawin tulad ng pagsasampa ng kaso at posibleng pag-blacklist sa mga sangkot dito.
Pinabulaanan naman ni MICP Collector Romeo Rosales ang sinabi sa aming correspondent sa Dubai, UAE na si Alan Avila ng mga may-ari ng CMG, na sila ang may kasalanan sa pagka-antala ng paglalabas ng mga padala ng ating mga kababayan sa UAE.
Ayon kay Collector Rosales, hindi nakabayad ang CMG ng storage fee at processing fee sa mga container na ipinasok nito sa bansa. Nagtataka ang MICP collector kung bakit hindi nai-remit ang karampatang bayad sa mga naturang shipment samantalang nangolekta naman ng bayad ang CMG sa mga kababayan nating nagpadala sa kanila.
Tinanong ko rin kay Rosales kung gaano katagal bago maideklarang abandonado ang isang kargamento. Ayon dito, “tatlumpung araw o 30 days kung nakabayad ng duties and taxes pero sa kaso raw ng CMG nagbayad nga raw ito ng duties and taxes at humingi pa ng extension na kanila namang pinagbigyan”.
Pero tila isang delaying tactic daw ang ginagawa ng CMG upang palabasin sa mga customer nito na mayroon silang ginagawa sa problema.
Hindi rin pinalampas ni DDCAP Pres. Joel Longares na tirahin ang CMG at pabirong sinabi nito na pipitikin niya sa ilong ang may-ari nito kapag ito’y kanyang nakita dahil sa problemang ibinibigay nito sa kanilang grupo. Dahil ayon sa kanya, dalawang beses nang ginawa ng CMG ang pag-aabandona ng kanilang mga kargamento dahil alam na yata ng mga ito na sila ang sasalo sa mga problemang iniwan nito.
Ibinahagi rin ng pangulo ng DDCAP ang magandang balita na walang babayaran ang mga magkukusang loob na kunin na lang sa kanilang warehouse sa Tarlac ang kanilang mga kargamento at ang reasonable delivery fees sa mga pipili sa option na ito.
Abangan ang cargo manifesto ng shipment ng CMG pati na ang delivery charges na aming ipo-post sa aming website na patricktulfo.com.