COA ‘DI PWEDENG DIKTAHAN NI PDU30

WALANG karapatan si Pangulong Rodrigo Duterte na patigilin ang Commission on Audit (COA) sa kanilang trabaho na bantayan at protektahan ang pondo ng bayan.

Ito ang tila ipinamukha ni Albay Rep. Edcel Lagman sa pangulo matapos itong magalit dahil sa pag-flagged down ng COA sa P67.3 billion pondo ng Department of Health (DOH).

“President Rodrigo Duterte has no authority to stop the Commission on Audit (COA) from performing its constitutional mandate of safeguarding the utilization of public funds and making public the results of its audit,” ayon sa mambabatas.

Ipinaliwanag ni Lagman na isang independent commission ang COA at walang sinoman ang puwedeng magdikta sa mga ito kahit pa ang pangulo ng bansa.
Mungkahi ng mambabatas, dapat parusahan ng pangulo ang mga nagpapabayang opisyal ng gobyerno sa halip na pag-initan ang COA.

“Galawang diktador”

Ganito naman ang basa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa pagkastigo at pagpapatigil ni Duterte sa COA sa kanilang pagsasapubliko kung papaano ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno ang pondo ng bayan.

Ayon sa lady solon, ayaw na ayaw ni Duterte na mailantad sa publiko ang kanilang kapalpakan at kwestiyonableng paggamit sa pera ng bayan kaya nais nitong busalan ang COA.

Anti-corruption joke lang

Nangangamba naman si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na lalong lalakas ang loob ng mga corrupt government official na pagsamantalahan ang pondo ng mamamayan dahil imbes na sa DOH magalit si Duterte ay pinagdiskitahan nito ang COA.

Bukod dito, ang pagpapatigil aniya ni Duterte sa COA sa pagganap sa kanilang trabaho at pagtatanggol kay Secretary Francisco Duque III ay nagpapatunay na isang malaking biro ang kanyang pangako sa taumbayan na tatapusin ang katiwalian sa pamahalaan.

“Tulad din ba ito nung jetski joke niya laban sa China? As it is, mukhang joke lang din yata ang anti-corruption drive ng Duterte administration,” ani Zarate. (BERNARD TAGUINOD)

181

Related posts

Leave a Comment