(NELSON S. BADILLA)
NATUMBOK na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang opisyal na sangkot umano sa recruitment racket sa nasabing ahensya.
Ayon sa source ng SAKSI Ngayon, matagal na ang naturang racket sa PNP.
Sabi ng source na dating pulis, mayroon talagang pumapatol sa libu-libong “recruitment fee” upang makalusot ang aplikante sa PNP, partikular na sa Health Service (HS) dahil idiniin niyang “kritikal” ang resulta ne medical examinations at neuro psychological evaluation.
Upang pumasa at huwag magkaroon ng aberya sa aplikasyon ng taong gustong magpulis, mapipilitan siyang magbayad ng hinihingi ng nagsisilbing ahente ng korap na mga opisyal sa PNP-Health Service.
Dahil sa ‘kalakarang’ mayroong bayad na libu-libo ang halaga ay nagsisimulang maging tiwali at korap ang bagong pulis, diin ng source ng SAKSI Ngayon.
Tugma ang binanggit ng SAKSI Ngayon source sa nasakote ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na babaeng sangkot sa recruitment racket.
Sa ulat ng PNP, nasakote si Evalyn Aleman sa entrapment operation ng IMEG nitong Huwebes sa Barangay Upper Bicutan sa lungsod ng Taguig.
Si Aleman na kilala sa alyas “Eva Fonda” ay empleyado sa Armed Forces and Police Savings and Loans Associations, Inc. (AFPLAI) at misis ng isang pulis.
Nasakote si Aleman makaraang atasan ni PNP Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar ang IMEG na magsagawa ng operasyon laban sa suspek ng PNP recruitment racket.
Nagdesisyon si Eleazar laban kay Aleman matapos makarating sa kanya ang impormasyon na hayagang nagpaskil umano si Aleman sa kanyang Facebook account na nagbibigay siya ng tulong sa mga aplikante sa pagkapulis kapalit ang malaking halaga.
Kinumpirma ito ni Eleazar kung saan tinumbok nitong P50,000 ang bayad ng bawat aplikante.
Sa P50,000 ay P20,000 lang ang napupunta kay Aleman dahil sinabi nito sa inisyal na imbestigasyon na napupunta sa isang doktor sa PNP-Health Service ang P30,000.
Ayon kay Eleazar, alam na niya ang pangalan ng doktor na “colonel” ang ranggo.
Pinaiimbestigahan na niya ang colonel.
Tiniyak ni Eleazar na sasampahan ng mga kaukulang kaso ang colonel at kung sino ang kanyang mga kasabwat kapag napatunayan sa imbestigasyon na totoo ang akusasyon ni Aleman laban sa opisyal.
Ang paglilinis sa PNP recruitment ay isa sa adyenda ni Eleazar sa loob ng anim na buwang panunungkulan bilang pinuno ng PNP.
Ngayong taon, mahigit 17,000 ang inaprubahan ng National Police Commission (Napolcom) na kukuning bagong pulis.
Idiniin kamakailan ni Eleazar na mahigpit na ang proseso ng recruitment sa PNP.
Dadaan ito sa QR Code system kung saan bawal ang padrino, ninong at koneksyon.
Nasiyahan ang source ng SAKSI Ngayon sa impormasyong ipinarating sa kanya ng Investigative Reporter na ito hinggil sa aksyon ni Eleazar laban sa recruitment racket.
179
