UMAPELA si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na kalusin na ang mga private armed groups sa bansa na nagdudulot ng takot sa mga tao at marami ang naibubuwis na buhay tuwing may halalan.
Ito ang pakiusap ni Garcia sa PNP sa ginanap na “The Agenda” media forum sa Club Filipino, sa Greenhills, San Juan City kahapon ng umaga, bago magsimula ang halalan sa May 12, 2025.
Batay sa huling datos, 716 ang naitalang insidente na may kinalaman sa halalan noong 2022 lalo na sa rural areas sa bansa.
Itinuro ni Garcia ang mga private armed group na nasa ilalim ng kontrol ng mga politiko ang pangunahing dahilan kung bakit nagdudulot ng karahasan at pangamba sa mga botante.
Bukod aniya sa karahasan, ang pagbenta at pagbili ng mga boto ay nagiging talamak na rin tuwing sasapit ang eleksyon.
“Vote buying, vote buying, vote buying is the cancer of the society,” ang pahayag ni Garcia.
Kung hahayaan na lang ng mga botante, ayon pa kay Garcia, na bilhin ng mga politiko ang kanilang boto, babawiin lamang ng politikong nanalo ang kanyang mga ginastos sa kampanya.
Binabalanse ito ng Comelec, ayon pa kay Garcia, dahil ayon sa kanilang patakaran sa loob ng ahensya, na umiral ang walang-dungis at may dignidad nilang paglilingkod sa mga botante.
Nakiusap din ang hepe ng Comelec sa mga kandidato na maging tapat at sundin ang kanilang pinirmahan sa isang peace covenant kasama na ang kanilang mga ka-partidong kandidato ganun din ang kanilang mga katunggali.
Kasama ang PNP, maglalabas muli ng klasipikasyon para sa mga election hot spot kung saan ang kulay “red,” “orange,” at “green” ang gagamitin ng ahensya.
Kasabay nito, iniutos na ng Comelec na imbestigahan ang di-umano’y “flying voters’ sa Cabanatuan City. (NEP CASTILLO)
