COMELEC SINUSPINDE P273-M AYUDA SA BATANGAS

PINAHINTO ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapatupad ng iba’t ibang financial assistance na umaabot sa P273 milyon sa Batangas upang maiwasang magamit ito ngayong midterm election.

Sa desisyon ng Comelec en banc na may petsang Abril 21, 2025, sinuspinde nito ang exemption na binigay sa provincial government ng ng Batangas, na pinamumunuan ni Gov. Hermilando Mandanas, para magpamahagi ng ayuda sa panahon ng halalan.

Inatasan din ng poll body ang Law Department na imbestigahan ang mga alegasyong binanggit ng Progressive Allied Batanguenos (PAB) sa kanilang reklamo at agad isumite ang resulta sa Comelec en banc.

Nag-ugat ang desisyon ng Comelec sa reklamo ng PAB ukol sa rekomendasyon ng Comelec Law Department na aprubahan ang mga proyektong hiniling ni Mandanas na ma-exempt sa ban sa pamamahagi ng ayuda. Kabilang sa mga proyektong pinatigil ng Comelec ang Aid to Individual in Crisis Situation (AICS) and Cash for Work (P16,712,799.33), Emergency Assistance Service under 20% Development Fund (P23,095,537.17), Job Fair (P150,000), Employment Assistance Program (P800,000), Release of Assistance for youth sports activities (P32,460,400), Cash for work for the victims of Typhoon Kristine and Taal Volcano evacuees (P5,000,000), Hot Meals Dulot ng Kalamidad for the victims of Typhoon Kristine and Taal Volcano evacuees (P5 milyon), at Scholarship and Educational Assistance (P190 milyon).

Iginiit ng PAB sa Comelec na magkakaroon ng bentahe si Mandanas sa kanyang mga katunggali sa pagka-Bise Gobernador ng lalawigan kapag ipinatupad ang mga proyektong ito sa panahon ng kampanya. Dahil walang malinaw na panuntunan sa pamamahagi nito, maaari ring maimpluwensiyahan ni Mandanas ang mga benepisyaryo na iboto siya sa darating na halalan.

Duda ang PAB sa timing ng schedule ng pamamahagi ng ayuda na itinaon pa ni Mandanas sa panahon ng kampanya.

Binatikos din ni PAB si Mandanas sa kabiguan nitong mapaunlad ang Batangas sa siyam na taon niya bilang gobernador.

16

Related posts

Leave a Comment