INILARAWAN bilang ‘predators in uniform” ng isang mambabatas ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nanggagahasa umano ng mga quarantine violator tulad ng kaso sa Bataan.
Bagama’t iniutos na ni PNP Director General Guillermo Eleazar ang pag-aresto at imbestigasyon, hiniling ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na gawin itong transparent lalo na’t marami umano sa “predators in uniform” ang hindi nakakasuhan.
“While the investigation is a welcome development, we call on the Philippine National Police to be transparent in investigating VAW cases perpetrated by men in uniform. Hindi pwedeng iimbestigahan lang kapag umingay na sa media. Dapat pabilisin ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima,” ani Brosas.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang kaso ng bagitong pulis na si Patrolman Elmer Tuazon Jr., 25, nakatalaga sa Mariveles, Bataan na inakusahan ng 19-anyos na babae na hinuli nito dahil sa paglabag sa health protocols.
Kasama umano ng bagitong pulis sa karumal-dumal na krimen ang sibilyan na si Armando Dimaculangan, 53, subalit kasong acts of lasciviousness lang ang isinampa rito.
“This is not the first time police officers were involved in cases of abuse. Fabel Pineda, victims of “sex-for-pass” scheme, and more women have also fallen prey to these predators in uniform. We strongly condemn these vile and abusive acts and demand accountability over these,” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, kailangan umanong magkaroon ng independent investigation sa kasong ito upang matiyak na makamit ng biktima ang katarungan dahil marami umano sa mga pulis na sangkot sa VAW ay hindi naparusahan.
Base aniya sa Center for Women’s Resources report, umaabot sa 68 pulis ang nasangkot sa VAW kasama na ang mga naitalang kaso mula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2020.
Gayunpaman, sa mga nabanggit na bilang ay 46 pulis lang umano ang nasampahan ng kasong administratibo mula 2015 kaya lumalakas ang loob ng mga ito na gumawa ng krimen laban sa kababaihan.
“We strongly warn police officers against further exploiting the community quarantine to carry out their advances on vulnerable women. We will sustain the #LabananAngAbuso campaign, especially as domestic violence, sexual harassment, and even child pornography are on the rise amid the pandemic,” ayon pa kay Brosas.
Aksyon ng PNP
Nabatid na iniutos na ni Eleazar ang agarang pagsasagawa ng summary dismissal proceedings laban sa pulis na inakusahang nanghalay ng quarantine violator sa Mariveles, Bataan.
Sinampahan na ng mga kasong rape by Sexual Assault at Acts of Lasciviousness sa piskalya sina Patrolman Tuazon Jr. at Dimaculangan na nakatalaga bilang marshal team leader sa control point sa Barangay Batangas 2.
“Humihingi ako ng paumanhin sa biktima at sa kanyang pamilya dahil sa kanyang sinapit at tinitiyak ko sa inyo na makakamit ninyo ang hustisya dito,” pahayag ni Eleazar.
“Makakatiyak din ng agarang aksyon ang ating mga kababayan laban sa mga tiwali sa aming hanay kaya nakikiusap din ako na huwag sanang lalahatin ang kapulisan dahil iilan lamang ang mga ito at higit na mas nakakarami ang mga pulis na handang tumulong at gumagawa ng tama sa ngalan ng police service,” dagdag pa niya.
Hinimok din ni Eleazar ang publiko na agad magsampa ng reklamo laban sa mga pulis na sangkot sa tiwaling gawain. (BERNARD TAGUINOD/JG TUMBADO)
