Commuters lawyers sa impounding ng sasakyan ng mga raliyista UTOS NG MALAKANYANG O TRIP NG LTO ENFORCERS?

HUMIHINGI ng paliwanag ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kay Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Marcus Lacanilao kaugnay ng umano’y pag-impound ng mga sasakyan ng mga lumahok sa isang protesta laban sa katiwalian sa pamahalaan.

Tanong nila, kaninong direktiba ang nasabing aksyon o kung iyon ba ay ‘trip’ lang ng mga enforcer ng ahensya.

Ayon sa LCSP, limang jeep at isang van ang hinuli at inimpound ng LTO–NCR enforcers noong Nobyembre 30, 2025 bandang alas-9 ng umaga. Sakay umano ng mga naturang sasakyan ang mga miyembro ng Novaliches–Blumentritt Drivers Association (NOBLUDA), na kasapi ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON). Papunta ang grupo sa Luneta Grandstand para lumahok sa isang protesta laban sa korupsyon.

Dahil sa impounding, napilitang bumaba at maglakad patungong Luneta ang humigit-kumulang 100 manggagawa, ayon sa grupo.

Batay sa impoundment receipt na inilabas ng LTO, inaresto ang mga sasakyan dahil sa mga umano’y paglabag gaya ng kawalan ng seatbelt, reverse light, special permit, at pagkakaroon ng defective hand brake, at iba pa.

Iginiit ng LCSP na dapat linawin ng ahensya kung may direktiba ang LTO na mang-impound ng mga sasakyang ginagamit para sa mapayapang paglahok sa mga demonstrasyon, at kung kailangan ng “special permit” para sa mga sasakyang sasama sa rally.

Binanggit din ng grupo na ang karapatan sa malayang pagpapahayag ay kinabibilangan ng paraan, lugar at paraan ng paglahad ng paninindigan, maliban sa makatwirang limitasyon ng batas.

Humihingi ngayon ang LCSP ng tugon mula sa LTO kung ang naturang pagpapatupad ay bahagi ng polisiya ng ahensya o isang insidente na dapat imbestigahan.

15

Related posts

Leave a Comment