ISANG vigil ang isinagawa ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng mga complainant sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Base sa itinakdang skedyul ng mga progresibong grupo, alas-kuwatro ng madaling araw magsisimula ang vigil sa South Gate ng Mababang Kapulungan, kasabay ng huling araw ng session ng Kongreso.
“Last 2 minutes na ng session bago ang break. Hindi na dapat i-dribble pa ang impeachment. Ang kailangan ay fastbreak para madala na ang articles of impeachment sa Senado. Ito ang hiling ng taumbayan,” ayon kay Bayan Muna president Renato Reyes.
Isa si Reyes sa complainant ng ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte na inendorso ng tatlong miyembro ng Makabayan bloc na sina ACT party-list Rep. France Castro, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
Sobra na aniya ang dalawang buwang paghihintay ng taumbayan sa desisyon ng liderato ng Kamara kung pananagutin o hindi ng mga ito si Duterte sa maanomalyang paggamit umano sa P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Isinampa ang unang impeachment case laban kay Duterte noong December 2, 2024 matapos matuklasan sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability na maanomalyang paggastos nito sa nasabing pondo mula 2022 hanggang 2023.
Gayunpaman, hindi pa inendorso ni House Secretary Reginald Velasco ang tatlong impeachment complaint sa Office of the Speaker dahil hinihintay umano nito ang ikaapat na reklamo subalit naniniwala ang kritiko ng Kongreso na posibleng may kinalaman dito ang pagkontra ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil pagsasayang lamang umano ito ng oras.
“Binabalaan namin si Marcos Jr na huwag harangan ang impeachment complaints at hayaan ang Kamara na gawin ang constitutional duty nito na mag-initiate ng impeachment proceedings.
Nananawagan kami sa Kamara: “Make the heroic act of pushing for accountability. Impeach now!” ani Reyes.
Umapela rin ito sa publiko na tutukan ang magaganap sa Kamara ngayong araw subalit ano mang resulta aniya ay hindi titigil ang mga ito hangga’t hindi mapanagot si Duterte kanyang atraso sa bayan. (BERNARD TAGUINOD)
5