“CONFIDENTIAL BAON”

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

ANG tatalino talaga ng netizens dahil lahat ng bagay ay ginagawan ng ‘memes” dahil siguro sa pamamagitan lang nito ay maipahahayag ang kanilang saloobin at kuro-kuro sa mga nangyayari sa lipunan.

Tulad na lamang ang confidential funds na mas kilala sa “intelligence funds” na isa sa mga pinag-uusapang isyu ngayon habang nakasalang pa sa Kongreso lalo na sa Senado, ang 2023 national budget.

Maraming kumukwestiyon sa P500 million na confidential funds ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte at maging ang P150 million na kaparehong pondo sa Department of Education (DepEd) na kanyang pinamumunuan.

Ang tanong kasi ng marami, kung nagkataong hindi si Sara ang nanalong bise presidente, magkakaroon ba siya ng confidential funds? Isang tanong, ang hirap sagutin.

Noong panahon ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, walang ibinigay na confidential funds sa kanyang bise presidente na si Leni Robredo sa loob ng anim na taon.

Pero mangilan-ngilan lang ang naririnig nating mga mambabatas ang kumukwestiyon sa pondong ito na posibleng hindi matanggal dahil kaalyado ni Duterte ang mayorya sa Kongreso.

Wala ring intel funds ang mga nagdaang secretary ng DepEd ­dahil hindi naman siguro napapasok ng mga kalaban ng estado ang mga ­elementary at high school student.

Gustuhin man ng mga ordinaryong mamamayan na sumali sa usapan at debate, wala silang access sa Kongreso at hindi sila ­maaaring ­bumoto para tanggalin at ilipat ito sa mas kapaki-pakinabang na ­programa at proyekto.

Kaya ang tanging daan nila lalo na ang mga active sa social media, ay meme na lang tulad ng isang nabasa ko na pag-uusap ng mag-ama hinggil sa intelligence funds.

Hindi ko kilala ang gumawa nito kaya hindi ako nakapagpaalam na gamitin ko sa pitak na ito. Pero magandang ibahagi;

Bata: Pa, tutal parang ok lang sa’yo na nilulustay nila ang pera mo, what if bigyan mo na rin ako ng confidential baon? ‘Wag mo nang itanong kung saan ko gagamitin, basta. Just trust me, anak mo na ‘to, ah. Wachutink”

Ama: (natulala).

May punto dahil walang nakaaalam kung saan ginagamit ang ­intelligence funds at ngayon lang magkakaroon (ata) ng confidential funds ang OVP at DepEd sa hinaba-haba ng panahon.

Walang problema sa intelligence funds ng Department of National Defense (DND), Department of Interior and Local Government (DILG), National Intelligence Coordination Agency (NICA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), kasama na ang Office of the President at iba pang ahensya na may kaugnayan sa internal at external security ng ating bansa.

Dapat lang talaga silang pondohan ng intelligence funds dahil nakasalalay sa kanila ang ating seguridad pero ‘yung mga ahensya na wala naman sigurong kinalaman na intelligence work, baka ‘wag nang bigyan.

240

Related posts

Leave a Comment