PINATATANGGAL bilang miyembro ng Kamara de Representantes ang isa sa mga chairman ng Quad Committee na si Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez dahil sa paglabag umano nito sa code of conduct.
Mismong si Atty. Ferdinand Topacio ang tumayong complainant sa kanyang 25 pahinang reklamo sa House committee on ethics and privileges kung saan nais nito na patalsikin ng komite si Fernandez bilang miyembro ng Kamara.
Nag-ugat ang reklamo ni Topacio sa pagharang umano ni Fernandez sa kanya na asistehan ang kanyang kliyenteng si Cassandra Li Ong, isa sa executive ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga na sinalakay at ipinasara ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong nakaraang taon.
“Nearing the 9th hour of the Third Quad Comm hearing, as I was advising Cassandra on her legal rights, Respondent and his fellow chairmen kept on hindering and preventing me from advising Cassandra,” bahagi ng ethics complaint ni Topacio.
Binantaan din umano ito na kapag hindi tumigil sa pagbibigay ng legal advice kay Ong ay ipapa-contempt ito ng Quad Comm kung saan isa si Fernandez sa apat na chairmen.
Upang masiguro na hindi nito malapitan ang kanyang kliyente, pinaligiran ito ng mga staff ng komite na paglabag umano sa right to counsel ng kanyang kliyente.
“Preventing the resource speaker from [communicating] with her counsel does not conform with the spirit and the letter of the Rules of the House and to the rules of the committees which constitutes a violation of Section 141 (b) of the Code of Conduct,” paliwanag ni Topacio.
Tila ipinagkibit-balikat naman ito ni Fernandez na sinabing ipauubaya na nito sa komite ang desisyon kung may nilabag siyang batas o karapatan ng kliyente ng complainant.
“Karapatan niya (Topacio) yan. Pabigyan natin at ihi-hear naman yan dito sa Kongreso. Wala naman problema dyan, eh di harapin natin, diba?” ani Fernandez na tinawag ni Topacio na “Atty. Google”.
“Kung may violation ako eh di magdesisyon ang komite,” dagdag pa nito subalit hindi pa umano nito nababasa ang kabuuan ng isinampang reklamo laban sa kanya. (BERNARD TAGUINOD)
23