CONG. LEVISTE INAMIN NA MAY P1-B INSERTION ANG INANG SI SEN. LOREN

INAMIN ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may insertions sa pambansang budget ang kanyang ina na si Senador Loren Legarda, batay sa listahang sinabi niyang nakuha niya mula sa yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Catalina Cabral.

“I can say, nandiyan. Tinanong ko siya at sinabi niya, hindi naman niya alam iyong mga nakalista diyan at sa mga senator actually pinakamaliit ang sa kanya,” ani Leviste sa isang panayam sa radyo.

“Pero tinanong ko siya talaga at sabi niya, hindi niya alam ang mga ito. Pero kinukumpirma ko po na lahat ng tiningnan ko ay nandiyan sa listahan,” dagdag pa niya.

Ayon kay Leviste, ibinigay umano sa kanya ni Cabral ang listahan nang may pahintulot ng DPWH Secretary na si Vince Dizon, na ayon sa kanya ay kausap niya sa telepono noong mga oras na iyon.

Gayunman, isang Reddit post ang nag-akusa na sapilitang pumasok ang mambabatas sa tanggapan ng opisyal ng DPWH at pilit na inagaw ang mga dokumento mula sa kamay nito.

Dahil sa umano’y insidente, nagtamo ng paper cut sa daliri si Cabral, na nakita nang dumalo siya sa isang pagdinig sa Kongreso kinabukasan. Una nang nagbitiw sa puwesto si Cabral matapos maiugnay sa iskandalo sa flood control.

Muling lumabas sa social media ang naturang post kasunod ng pagkamatay ni Cabral, na nahulog sa isang bangin sa bahagi ng Kennon Road noong Huwebes. Kinumpirma ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng DNA test, ayon sa Department of the Interior and Local Government. (EG)

99

Related posts

Leave a Comment