PUNA ni JOEL O. AMONGO
LALO pang nagdulot ng galit sa mga Pilipino ang ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na pagsuspinde kay Cavite Representative Francisco “Kiko” Barzaga dahil lamang sa pagbatikos nito sa kasalukuyang nangyayaring korupsyon sa pamahalaan.
Pinatawan ng 60-araw o dalawang buwang suspensyon nang walang sahod at anomang benepisyo si Barzaga matapos mapatunayang guilty sa Ethics complaint na inihain ng kanyang mga dating kapartido sa National Unity Party (NUP) kaugnay ng mga umano’y hindi angkop na social media post.
Ayon sa ulat ni House Committee on Ethics and Privileges vice chair, Rep. JC Abalos sa plenaryo nitong Martes, sinabi nitong napatunayang lumabag si Barzaga sa Section 1(a), Rule 20 ng House Rules; Section 4(c) ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; at sa patakaran laban sa “conduct unbecoming” ng isang miyembro ng Kamara.
Inirekomenda ng komite ang 60-araw na suspensyon mula sa pagganap sa tungkulin, kasama ang pagkawala ng sahod at allowances, at binalaan si Barzaga na posibleng mas mabigat na parusa ang ipataw sakaling maulit ang naturang paglabag.
Kasabay nito, inatasan din ng komite si Barzaga na burahin sa loob ng 24 oras ang lahat ng social media post na naging basehan ng reklamo, kabilang ang mga larawan umano ng seksing babae, maraming pera, at iba pang content na itinuturing na hindi naaangkop.
Noong Setyembre, nagsampa ng reklamo ang mga kongresista ng NUP laban kay Barzaga dahil sa paglalathala ng umano’y malaswang larawan at sa mga post na pumupuna at umano’y naninirang-puri sa kapwa mambabatas, mga opisyal ng gobyerno, at mga institusyon nang walang sapat na batayan. Pinamumunuan ang NUP ni Antipolo Rep. Ronaldo “Ronnie” Puno.
Ayon kay Abalos, hindi tinanggap ng komite ang depensa ni Barzaga na saklaw ng kanyang freedom of speech ang kontrobersyal na mga post, dahil bilang mambabatas ay obligasyon niyang panatilihin ang dignidad at integridad ng institusyon.
“His action reflected negatively upon the dignity, integrity, and reputation of the House of Representatives as an institution,” ayon kay Abalos.
Matapos ihayag ang rekomendasyon, tumayo si Barzaga at sinabi sa plenaryo na tinatanggap niya ang parusa. Dahil dito, nagmosyon si House Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na isalang sa botohan ang committee report.
“With 249 voting in the affirmative, five in the negative, and eleven abstention, the findings and recommendation in Committee Report No. 28 is hereby adopted,” deklarasyon ni Presiding Speaker Ferdinand Hernandez.
Naniniwala ang mga Pilipino na ang mga post ni Barzaga sa kanyang social media account ay paraan niya para kondenahin at batikusin ang malalang korupsyon sa pamahalaan na kinasasangkutan ng ilang mga kongresista at iba pang mga opisyal ng gobyerno.
Kung mayroon mang dapat kasuhan o ireklamo sa Ethics ay walang iba kundi ang mga congressman magnanakaw dahil sila ang perwisyo sa taumbayan at hindi si Barzaga na bumabatikos lamang sa kanila.
Nagpahayag din ng paniniwala ang ilang abogado sa bansa na pagsikil sa karapatan ng pamamahayag ni Barzaga ang ginawang 60-day suspension sa kanya ng House Committee on Ethics.
Sa pagkakataon ito ay lalong nawalan ng tiwala ang mga Pilipino sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil mas prayoridad nitong patawan ng parusa ang kanilang kasamahan na bumabatikos sa mga korap na mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan kaysa nagnanakaw ng kaban ng bayan.
o0o
Para sa reklamo at suhestiyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.
40
