TARGET NI KA REX CAYANONG
HINDI pa pala tapos ang isyu laban kay Palompon Mayor Ramon Oñate at asawa nitong si Lourdes Oñate.
Bunga pa rin ito ng matinding paglabag daw nila sa batas ng kapaligiran ng bansa.
Ngunit aminado si Leyte kay 4th District Representative Richard Gomez sa panayam ng “TARGET ON AIR” sa DZME 1530, na nababagalan siya sa aksiyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kanyang reklamo.
Partikular na pinaiimbestigahan ni Gomez ang DBSN Farms Agriventures Corporation na dinudumihan daw ang mga yamang tubig, lupa at hangin sa mga munisipalidad ng Palompon at Albuera kung saan nag-o-operate ang kompanya na pag-aari raw ng mga Oñate.
Ang alkalde raw ang ang pangulo at chief executive officer (CEO) ng DBSN.
Malawak ang kompanyang ito dahil kung hindi ako nagkakamali, ay may 55,000-capacity chicken dressing plant sa Albuera habang ang breeder farm sa Palompon ay may kapasidad na 88,000 chicken heads.
Aba’y matindi raw ang polusyon na dala ng kompanya ni Oñate sa Albuera-Tinag-an stream system na siyang sumasalo sa tubig na nagmumula sa Ormoc Bay.
Inihirit kamakailan ni Gomez sa House Committee on Environment and Natural Resources na irekomenda ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay Oñate at sa misis nito dahil sa matinding paglabag daw sa land and environmental laws.
Isinusulong ni Gomez na makasuhan, hindi lamang ang mag-asawang Oñate, kundi maging ang hinihinalang kasabwat daw nilang mga empleyado ng DENR regional office.
Binigyang diin ng mambabatas na habang tumatagal ay lalong lumalawak ang problema.
Nagkaroon na nga naman ng inquiry hinggil sa sinasabing illegal activities ng DBSN.
Kaya naman, umaasa si Gomez na maaaksyonan ng DENR ang usapin. Mahalaga aniya ang mabilis na aksyon dito.
Kapag tumagal pa raw, aba’y baka lalo pang lumawak ang mga problemang dala ng kompanya.
Kung maaalala, sa House Resolution No. 778 ni Gomez, idinetalye niya kung paano raw dinudumihan ng DBSN ang mga yamang dagat sa probinsya.
Kasabay nito, ipinanawagan din ng dating alkalde ng Ormoc City, kay DENR Secretary Ma. Antonia “Toni” Yulo-Loyzaga ang agarang pagsasagawa ng rigodon sa iba’t ibang DENR offices sa Region 8.
Nawa’y maaksiyunan naman ito ni Sec. Yulo-Loyzaga sa lalong madaling panahon.
Patuloy po naming babantayan ang usaping ito.
Abangan!
