TEVES ISINABIT LANG SA DEGAMO MURDER CASE

INAASAHANG madaragdagan pa sa mga susunod na araw na bawiin ng iba pang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang kanilang naunang salaysay na nagdidiin kay Congressman Arnolfo “Arnie” Teves matapos umanong makonsensya at kumambyo ang isa sa 11 suspek na si Osmundo Rivero.

Ayon sa isinumiting counter affidavit ni Rivero, sinabi nito na hindi siya kasama sa pumatay kay Degamo. Iginiit din nito na tinortyur at tinakot ito ng mga pulis upang aminin ang krimen at napilitang ituro si Teves na mastermind sa pagpatay sa gobernador.

Sinabi pa ni Rivero na pinilit lamang umano itong itinuro si Teves dahil sa takot na kung hindi susundin ang utos ng mga pulis ay papatayin ang kanyang pamilya matapos umanong dukotin ang mga ito noong March 8 matapos ang malagim na Pamplona massacre.

Nauna nang humingi ng saklolo sa Commission on Human Rights ang abogado sa apat na akusado dahil umano sa pananakot at panggigipit ng National Bureau of Investigation sa mga suspek. Ang NBI ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Department of Justice kung saan si Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kasalukuyang DOJ Secretary.

Kaugnay nito, nananatili pa rin sa ibang bansa si Teves dahil sa seryosong banta sa kanyang buhay na sa kabila ng mga akusasyon sa Kongresista ay nais nitong harapin upang sagutin at patunayan na wala itong kinalaman sa pagpatay kay Degamo at iba pang nadamay sa massacre.

Maging ang ilang lokal na opisyales ng Negros Oriental na malapit na kaibigan ni Degamo ay nagpahayag ng kanilang paniniwala na tama lamang umano ang ginagawang pag iingat ni Teves sa kabila ng naiipit ito sa mahirap na sitwasyon at banta sa kanyang buhay. (RUDY SIM)

 

508

Related posts

Leave a Comment