CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HETO na ang bunga ng 12-porsyentong Value Added Tax (VAT) na ipinapataw sa digital services: kasunod ng Netflix, magtataas na rin ng bayad ang ibang digital services.
Nagsimula na ang 12-percent VAT sa foreign digital service providers nitong Hunyo 2.
Tanong tuloy ng ilang subscriber, saan aabot ang 20 pesos mo? Pambili ng sangkilong bigas sa Kadiwa?
Naku, maliban dyan me aabutin na ang bente nyo. Pandagdag sa bayad sa Netflix, na ang pinakamurang plan na P149 ay magiging P169 na.
Malaking bagay ang bente sa maraming subscribers. ‘Yung murang libangan ay medyo nagmahal. Dagdag pasanin sa mga subscriber na bumabaling sa medyo pampakalmang serbisyo sa gitna ng problema, alalahanin at iba pang nakagagambalang sitwasyon ng buhay Pinoy.
Oo naman, dagdag na kita ito ng gobyerno. Posibleng umabot ng P100 bilyon ang kikitain sa buwis mula sa DSP. Pagkaklaro ng ilang tauhan ng pamahalaan, ang batas ay hindi bagong sistema ng pagbubuwis.
Ibig sabihin, hindi nagpapataw ng bagong buwis, kundi kokolektahin lang ang buwis na dapat nakokolekta mula sa mga dayuhang digital service providers.
Kahit ano pang patambling-tambling ang gawin ng nasa pamahalaan ay hindi maalis sa mga konsyumer ang pahiwatig na sa kanila ipinapasa ang ipinapataw na VAT sa mga DSP. Asa na lang tayo na may mabuting pupuntahan ang kikitain sa digital services.
Kaso, baka lang isentro sa kung paano maiaahon sa hirap ang mga Pinoy, ngunit ang programa ay naka-angkla sa ayuda.
Kaya malamang na taasan nga ang P3,000 food credits para sa mga pamilyang food-poor.
Naiulat na pinag-aaralan ito ng Department of Social Welfare and Development.
Walang Gutom program pa lang ‘yan.
Dagdagan na rin ang sahuran ng TUPAD, AKAP, AICS na isinusulong sa Kamara na maging isa nang institusyon, at iba pang uri ng ayuda nang matugunan ang pangangailangan ng mahihirap.
Patuloy na lumalago ang ekonomiya at muling bumagal ang inflation pero bakit mataas pa rin ang kahirapan sa bansa?
Teka, mula sa 1.93 milyon noong Marso, pumalo na sa 2.06 milyong Pilipino ang walang trabaho nitong Abril. Batay ito sa resulta ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority.
Mahirap nga pala kapag wala na ang mga ayuda na ‘yan.
o0o
Most Hated Man Today?
Bising-bisi ang social media sa nagdaang linggo. Ang numero unong topic syempre ay ang impeachment ni Inday Sara.
Pero kumbaga sa pelikula, aba’y di kumpleto ‘pag walang kontrabida. Dito na pumasok si SP Chiz Escudero. Naniniwala na kasi ang mga tao na ayaw ni Chiz na matuloy pa ang impeachment para manatili siyang lider ng Senado.
Sabi sa isang post na nakita ko, si Chiz daw ang ‘Most hated man in the Philippines right now’!
Naku, ang mga netizen, kanya-kanyang pabida kaya nagkalat ang mga meme ng mister ni Heart.
Sa komento ay bihira kang makakita ng pabor na komento sa Senate President. Damay pa nga ang buong Senado dahil halos lahatin na nila ang galit sa mga senador na kunsintidor daw sa korupsyon.
Seryoso na ang lumalakas na panawagan para ituloy ang impeachment pero sinasabayan ito ng nakatutuwang mga patutsada ng netizens.
Heto ang sinasabi ng ilan sa mga kumakalat na meme:
“Di kumpleto ang Piattos kapag walang cheese.”
“Ang bestfriend ni Mary Grace Piattos ay si Chizcurls.”
“Chiz: expiration date, June 2025.”
Kasado ang mass action ng iba’t ibang grupo mula ngayong June 9 hanggang 11 para kalampagin ang Senado. Mabago na kaya ang posisyon ni Chiz? Abangan!
