CAVITE – Pinaghahanap ng pulisya ang tatlong motorcycle riders na nangholdap sa isang kilalang convenience store sa Lungsod ng Gen. Trias noong Sabado ng gabi.
Inilarawan ang mga suspek na magkaka-angkas sa isang pulang motorsiklo.
Ayon sa ulat, bandang alas-9:10 ng gabi nang pumasok ang mga suspek sa nasabing convenience store sa San Benito, Brgy. Pascam 2, Gen. Trias City, at nagpanggap na mga customer.
Nagkunwaring kinausap ng mga suspek ang shift leader na si alyas “Romalyn”, saka tinutukan ng ‘di nabatid na kalibre ng baril, nagdeklara ng holdap at tinangay ang tatlong cellphone at P10,000.00 cash na laman ng kaha.
Pagkaraan ay tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Imus City.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV sa mga dinaanan ng mga suspek para sa pagkakakilanlan ng mga ito.
(SIGFRED ADSUARA)
115
