PATULOY na bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa Quezon City sa nakalipas na mga araw, ayon sa pinakahuling ulat ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU).
Ayon sa data na inilabas ng QCESU, nasa 97.1% o katumbas ng 97,491 na ang gumaling mula sa COVID-19 sa Lungsod Quezon.
Batay pa sa record ng QCESU, lumalabas na 1,735 na lang ang kumpirmadong aktibong kaso mula sa dating 100,391 na kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa lungsod.
Nakapagtala naman ng recoveries o gumaling sa bilang na 95,857 o 96.8% habang ang mga namatay ay umabot sa 1,155 o katumbas ng 1.2%.
Dumaraan umano sa validation ng CESU, health center staff at mga opisyal ng barangay ang datos na mula sa DOH para masigurong sila ay residente ng Quezon City.
Maaaring magbago pa ang bilang ng mga kaso sa lungsod dahil sa isinasagawang community-based testing.
Samantala, walong lugar na lang sa lungsod ang nasa ilalim pa ng Special Concern Lockdown Areas (SCLA) dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Partikular na lugar lamang ang sakop ng SCLA at hindi buong barangay.
Dahil dito, namamahagi ang lokal na pamahalaan ng food packs at essential kits para sa apektadong mga pamilya at sila ay isasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.
Patuloy rin ang isinasagawang pagbabakuna ng lokal na pamahalaan sa mga residente para magkaroon ng herd immunity bago sumapit ang Disyembre. (JOEL O. AMONGO)
170
