COVID-19 MUNA BAGO DEATH PENALTY – NOGRALES

BAGAMA’T suportado ang pagbabalik ng death penalty para sa mga karumaldumal na krimem, umapela si Rizal Second District Congressman Fidel Nograles sa kanyang mga kasamahan na ipokus muna ang atensyon sa problema sa COVID-19, hindi lamang sa labas kundi maging sa mga bilangguan bago bigyan ng atensyon ang nasabing panukala.

Ginawa ni Nograles, vice chairman ng House committee on justice, ang nasabing apela matapos simulan ng nasabing komite ang pagdinig sa 13 panukalang batas na naglalayong ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

“Hindi naman sikreto na suportado natin ang death penalty for heinous crimes. But I think if we are going to talk about justice, pag-usapan na muna natin kung paano maiibsan ang pagkalat ng COVID-19 sa ating mga kulungan,” pahayag ni Nograles.

Agad na nagpatawag ng imbestigasyon si Leyte Rep. Vicente “Ching” Veloso para dinggin ang mga panukalang batas matapos hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ibalik ang parusang kamatayan para mabitay sa pamamagitan ng lethal injection ang mga drug lord.

“We can talk about reinstating death penalty after we’ve had a desirable degree of control over the ongoing health crisis. Let’s not feed the flames of indignation of our people who think that our focus lies elsewhere than helping them survive,” ayon sa statement ni Nograles nitong linggo.

Naging adbokasiya ni Nograles ang pagpapalaya sa mga bilanggo o Person Deprived with Liberty (PDL) na may magagaan na kaso, matatanda at may sakit na nanganganib sa COVID-19 sa mga bilangguan sa bansa, para mapaluwag ang mga bilangguan sa gitna ng pandemya.

Dahil sa pakikipagtulungan ng kongresista, umaabot na sa 22,000 inmates o PDLs ang napalaya sa 470 jail facilities sa buong bansa na pinatatakbo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ang Pilipinas ang may pinakamataas aniya na jail occupancy sa buong mundo dahil sa 534% ang congestion rate.

“Sana sa ngayon, bunuin muna natin ang lakas at isip natin sa pagligtas ng mga buhay.  Kahit ang mga preso natin, may karapatang mabuhay,” ayon pa sa statement ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

127

Related posts

Leave a Comment