NAGSAGAWA ng COVID-19 Response Exercise ang Philippine Ports Authority (PPA), sa tulong ng stakeholders at kanilang partners, sa TMO-Pasig River Terminal Building sa Maynila nitong Miyerkoles.
Ang pagsasanay na tinawag ding Inter-Agency Exercise (IEX), ay kabilang ang COVID-19 Response with Bomb Threat and Hostage Taking.
Kasama sa mga nakiisa ay mga kinatawan mula sa Philippine National Police Maritime Group, Philippine Coast Guard (PCG), K9 Group, Baseco Police Station 13, stakeholders and partners.
Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay Eligio Fortajada, Port Manager, PMO NCR South, Maynila, sinabi niyang maganda at malaking tulong ang kanilang ginagawang exercise o drill sa pagtugon sa sinumang tao na magmumula sa Palawan at Mindoro na may mga sintomas ng COVID-19.
Aniya, agad nilang mai-isolate ang sinumang tao na may COVID-19 upang hindi na ito makahawa pa sa iba.
Sinabi pa niya na bukod sa pagtugon sa COVID-19 ay kasama rin sa kanilang isinagawang exercises ang paghahanda sa bomb threat at hostage taking scenario.
Ayon pa sa opisyal, ang isinagawang exercises ay mababalewala kung hindi ito gagamitin pagdating ng scenario.
Dahil dito, kanilang sinasanay ang kanilang mga tauhan kasama ng kanilang stakeholders at partners, para pagdating ng scenario ay magamit nila ito.
Kasabay nito, tiniyak ni Fortajada na bagama’t nagsasagawa sila ng exercise ay sinisiguro nilang maipatutupad ang health protocols upang maiwasan ang hawaan sa nasabing sakit.
Idinagdag pa niya na bagama’t kulang sila sa kagamitan sa kanilang pagsasagawa ng exercise ay naging matagumpay naman ito dahil sa pakikiisa ng kanilang stakeholders at partners.
Inaasahan naman ni Fortajada na sa susunod nilang exercise ay mayroon na silang magagamit na helicopter at ambulansya. (JOEL O. AMONGO)
