IWINASIWAS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na “napakahalaga” ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) tracers upang matukoy kung saan nagmumula ang araw-araw na mataas na bilang ng mga taong nagkakaroon ng virus.
Idiniin ng DILG ang kahalagahan ng contact tracers makaraang ihayag ng Department of Health (DOH) kailangang matukoy sa loob ng 24-oras ang pinagmulan ng mga bagong pasyente ng COVID-19 kada araw.
Ayon kay DILG Officer-In-Charge (OIC) Bernardo Florece Jr., ang pahayag ng DOH ay nangangahulugang dapat dagdagan ang COVID-19 tracers.
Aniya, kapag hindi natukoy kung saan nanggaling ang COVID-19 ng mga bagong pasyente ay nangangahulugang palpak ang tracing system.
Ngunit walang sinabi si Florece kung ilang contact tracers ang kagya’t na kailangan sa National Capital Region (NCR) at sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan (NCR Plus).
Sa kasalukuyan, mayroong 15,000 tracers ang DILG sa buong bansa mula sa orihinal na 50,000.
Naging 15,000 na lamang ang DILG tracers na ipinasok sa local government units (LGUs) dahil sa kakapusan ng pondong pampasahod sa mga ito, pahayag ni Florece.
Batay sa rekord, 9,000 ang COVID-19 tracers sa NCR.
Ilang araw na ang nakalilipas, nangako ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magtatalaga ito ng 600 tracers, samantalang ang Philippine National Police (PNP) ay 360 pulis ang iaambag na tracers.
Inanunsiyo rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kukuha sila ng 7,000 manggagawang walang trabaho upang magsilbing tracers. (NELSON S. BADILLA)
