ISINAGAWA ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang simulation exercise sa COVID-19 vaccination plan sa The Pavillion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito nitong Biyernes.
Ayon sa Bulacan Medical Center (BMC) at Provincial Health Office – Public Health, higit 20 kalahok na hired contact tracers ng DILG ang sumabak sa exercise kung saan sumailalim ang ilan sa mga ito sa anim na hakbang.
Matapos ipakita ang ID para sa pagbabakuna ay binigyan sila ng vaccination card at consent form habang ang pagbabakuna ay ginawa lamang sa loob ng isa hanggang dalawang minuto.
Bukod sa mga ipinamahaging polyeto, nagpalabas din ng mga audio visual presentation para sa karagdagang impormasyon hinggil sa bakuna para sa COVID-19.
Paaala ni Gob. Daniel R. Fernando, siguruhin na ang magpapabakuna ay dumating sa tamang oras at petsa ng kanilang iskedyul at sundin ang magkakasunod na hakbang.
Nakiisa rin sina Dr. Shiela Yu at JayR Carreon ng Department of Health Region 3 sa naturang simulation exercises upang magdagdag ng kanilang mga suhestiyon sa lalo pang ikaaayos ng gawain. (ELOISA SILVERIO)
