COVID CASES SA NAVOTAS UMAKYAT SA 4,624

INIULAT ng Navotas City Health Office na isa sa 39 bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ang namatay at 30 naman ang gumaling.

Bunsod nito, umakyat na sa 4,624 ang COVID positive sa lungsod, sa bilang na ito ay 4,136 na ang gumaling, 358 ang active cases at 130 ang namatay.

Sa pinakahuling report naman ng Malabon City Health Department, dalawang pasyente ang binawian ng buhay mula sa Barangay Tañong at Tinajeros at 167 na ang namatay sa lungsod dahil sa COVID-19.

Umabot naman ng 76 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 4,458 ang positive cases sa lungsod, 555 dito ang active cases.

Sa kabilang banda, 74 ang nadagdag sa mga gumaling at sa kabuuan ay 3,736 ang recovered patients ng lungsod.

Samantala, ayon sa Navotas City Police, simula nang mag-GCQ ay umabot na sa 5,910 ang mga nahuli dahil sa paglabag sa safety measures tulad ng tamang pagsusuot ng face mask, at pagsunod sa curfew at physical distancing.

Nabatid mula kay Mayor Toby Tiangco, mabilis lamang tumaas ang mga kaso ng COVID-19 at magpabaya lamang sandali ay sisipa uli ang positivity rate at masasayang ang kalahating taong sakripisyo ng lahat.

“Magiging mas mahirap ang buhay dahil ‘di pa nga nakababangon ang ating ekonomiya, mapipilitan na naman tayong maghigpit sakaling dumami na naman ang mahahawaan,” anang alkalde.

Aniya, gusto na ng lahat na matapos ang paghihirap dahil sa COVID-19 ngunit makakamit lamang ito kung wala nang mahahawaan kaya napakahalaga ng pag-iingat at pagsunod sa safety measures.

Nagpaalala din si Tiangco na simula sa Lunes ay mas marami nang pasahero ang maaaring sumakay sa mga pampublikong sasakyan at kasabay ng pagluluwag na ito ay hinihikayat ang lahat na lalong mag-ingat at siguruhing tama ang pagkakasuot ng face mask at face shield, dumistansya sa ibang pasahero, at palagiang mag-disinfect ng kamay.

Kaugnay nito, nauuso sa lungsod ng Navotas ang sumbungan sa social media ng mga pasaway na patuloy na gumagala, bata man o matanda, sa kabila ng mga safety protocols na ipinatutupad dahil sa pandemya.

“Sunod-sunod ang natanggap nating mga report tungkol sa mga bata o matatandang patuloy na sumusuway sa ipinatutupad na safety measures, lalo na kaugnay ng curfew,” sabi ni Tiangco.

Kabilang sa mga itinimbreng lugar ang Quintos St., Yangco St., R-10, Sapa Tangos, Bangkulasi, Galicia St., NBBS Block 35, Kanduli St., Sitio Puting Bato, Gold Rock San Roque at Tangos B. Cruz.

Ani Tiangco, nagpapakita lamang ito na mas marami ang gustong manatiling ligtas mula sa COVID-19. Nagbabala rin ang alkalde na posibleng itaas ang multa kapag lalong dumami ang mga pasaway. (ALAIN AJERO)

360

Related posts

Leave a Comment