UMAKYAT na sa 171 ang namatay sa COVID-19 sa Valenzuela City matapos na maitala ang bagong tatlong nasawi sa nakalipas na dalawang araw, ayon sa City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).
Nabatid sa CESU, 6,132 na ang confirmed cases sa lungsod. Sa nasabing bilang, 1,067 ang active cases at 4,894 ang gumaling na hanggang alas-10:00 ng gabi noong Setyembre 14.
Noong Setyembre 12 ay 5,906 ang confirmed cases sa lungsod, 1,069 ang active cases, 4,669 ang nakarekober at 168 pa lamang ang namatay.
Inihayag naman ni Mayor Rex Gatchalian, ang pagpapatupad sa “No QR Code No Entry” sa mga establisiyemento sa lungsod ay pinaaga at sisimulan na sa Oktubre 5 ng taong kasalukuyan,
“We have 3 weeks pa to download. Plenty of time. Visit https://valtrace.appcase.net/ and download your #ValTrace QR Code for free,” ayob sa alkalde.
Samantala, ayon sa Malabon City Health Department, dalawang pasyente mula sa Barangay Acacia at Tonsuya ang namatay dahil sa COVID-19 nong Lunes, Setyembre 14, at umakyat na sa 170 ang COVID death toll ng lungsod.
Bukod dito, nadagdagan ng 54 ang confirmed cases sa lungsod at sa kabuuan ay 4,576 ang positive cases. Sa bilang na ito ay 525 ang active cases.
Nadagdagan naman ng 32 ang mga gumaling at umakyat na sa 3,881 ang recovered patients ng siyudad.
Sa lungsod naman ng Navotas, nadagdagan ng 11 ang positibong kaso ng COVID-19 at isa sa mga ito ang namatay, habang 43 ang gumaling.
Umabot na sa 4,689 ang tinamaan ng COVID sa Navotas. Sa bilang na ito, 4,216 na ang gumaling, 341 ang active cases at 132 na ang namatay. (ALAIN AJERO)
