ISANG high ranking Communist Party of the Philippine-New People’s Army leader ang nadakip sa isinagawang composite law enforcement operation sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan, ayon kay CSJDM PNP chief, Lt. Col. Rannie Lumactod.
Ayon kay Col. Lumactod, matapos ang ilang buwang surveillance operation ay nagkaroon sila ng ugnayan sa PNP Criminal Investigation and Detection Group at Philippine Army 7th Infantry Division na nasa ilalim ng Northern Luzon Command, na pinamumunuan ni Lt. Gen. Ernesto Torres Jr.
Sa ikinasang law enforcement operation, katuwang ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group, at 70th Infantry Battalion ng Philippine Army, nadakip ang isang mataas na opisyal ng NPA sa ilalim ng Komiteng Rehiyon sa Gitnang Luzon ng Josefina Corpuz Command.
Sa inisyal na report nina CIDG Provincial Officer Maj. June Tabigo-on at NOLCOM commander, Lt. Gen. Ernesto Torres, kinilala ang nadakip na si Janeth Cruz y Dela Rosa, 47-anyos, alyas Aryang/Libay/Ditsy/Laura/Frankie/Trixie/Ali/Maribel, tubong San Rafael, Tarlac at residente ng Brgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.
Si Dela Rosa ay naaresto sa Door 2, De Guzman Compound, B7, L2, Mountain View Subd. sa nabangit na lungsod.
Ayon sa datos ng Philippine Army, tumatayo si Cruz bilang NPA secretary ng Central Luzon’s Regional White Area Committee, at miyembro ng Execom Central Luzon Regional Committee (CLRC).
Inaresto si Ka Aryang sa bisa ng dalawang alias warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Consuelo Amog-Bocar, ng RTC, Third Judicial Region, Branch 71, Iba, Zambales para sa kasong murder at kidnapping na walang inirekomendang pyansa, at attempted murder. (JESSE KABEL RUIZ)
