CREDIT CARD, ONLINE BANK SCAM IIMBESTIGAHAN NA NG SENADO

BUBUKSAN ng Senado ang imbestigasyon hinggil sa mga mapanlinlang at hindi otorisadong paggamit ng credit card at iba pang online na transaksyon sa bangko, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, kailangang busisiin ang mga kakulangan sa batas na dapat ay nagbibigay proteksyon sa mga konsyumer laban sa mga kawatan.

“Mula noong ibinunyag natin ang pambibiktima sa aking credit card hanggang ngayon ay hindi humihinto ang pagdagsa ng mga reklamo na natatanggap ng aking opisina mula sa mga biktima ng unauthorized online bank fund transfers at credit card transactions,” ayon kay Gatchalian.

“Hindi alam ng mga kawawang biktima kung saan nila maidudulog ang kanilang mga hinaing. Dagdag pa dito ang kawalan ng mabilis na proseso para matugunan agad ang kanilang mga reklamo,” dagdag pa niya.

Ayon sa Vice Chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, layon ng pagdinig na alamin ang mga hakbang na ginagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ng mga bangko para masiguro ang kapakanan ng mga konsyumer.

Pinag-iisipan na ni Gatchalian na maghain ng panukala na magmamandato sa financial regulators na maglagay ng mekanismo para maproteksiyunan ang mga konsyumer at gawin itong isa sa kanilang pangunahing layunin upang matugunan nila ang mga reklamo ng panlilinlang. Ito ay para smapabilis ang pagreresolba ng mga kaso o reklamong idinudulog nila.

“Parang dalawang dagok ito para sa mga nabiktima ng unauthorized online bank fund transfers at credit card transactions. Sila na nga ang nawalan, baka mapagastos pa sila kung kailangan pa nilang dumaan sa mahabang proseso ng paglilitis na kadalasan ay hindi lang buwan ang inaabot, kundi taon.

“Maraming mga isyu na kailangang harapin lalo na doon sa aspeto ng cyber security, ang mga hamon at best practices. Ang mga bangko ang kadalasang target ng mga ganitong klaseng mga panloloko lalo na sa ganitong panahon na may pandemya kaya marapat lamang na doblehin ang security measures,” sabi pa ng senador. (ESTONG REYES)

173

Related posts

Leave a Comment