(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO BY EDD CASTRO)
SA loob lamang ng mahigit 22 minuto ay inaprubahan sa House committee on Justice ang panukalang batas na ibaba sa siyam na taong gulang crimilinal liability ng mga batang nagkakasala sa batas mula sa kasalukuyang 15-anyos.
Personal na “binantayan” o dinaluhan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang pag-apruba sa nasabing panukala sa committee level pagkatapos ang kanilang executive session.
“There being no objection, the committee report on the substituted bill on lowering criminal responsibility of 15 (years old) to 9 is now carried and it’s approved,” pahayag ni Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, chairman ng nasabing komite.
Tinangka pa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na harangin ang mosyon ni House deputy speaker Fred Castro na aprubahan na ang substitute bill sa nasabing panukala subalit hindi ito kinilala ng komite dahil hindi miyembro ng Justice Committee ang militanteng mambabatas.
Nilinaw ni Leachon na hindi ikukulong ang mga batang nakagawa ng mga karumaldumal na krimen tulad ng pagpatay, arson, illegal drug courier, parricide tulad ng inaakala umano ng lahat.
“Hindi po sila ikukulong o isasama sa mga inmates,” ani Leachon kundi ibibigay ito sa pangangala ng Bahay Pag-asa para sila ay ireporma at pagdating ng 25 taong gulang ng mga ito ay papalabasin na ang mga ito.
Maaaring mapadali ang paglabas ng mga batang nagkasala sa batas kung magbago ang mga ito habang nasa kustodya ng DSWD at hindi na sila banta sa kanilang komunidad.
Dahil dito, tatanggalin na ang mga Local Government Units (LGUs) ang pangangasiwa sa mga Bahay Pag-asa at ibigay na ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na popontohan sa General Appropriation Act (GAA) taon-taon.
Sinabi din ni Leachon na hindi ito ang kauna-unahang batas sa mundo dahil sa ibang bansa aniya ay pitong taong gulang ang criminal resposibility ng kanilang mamamayan.
Hindi rin ligtas dito ang mga criminal syndicate dahil kapag napatunayang ginagamit ng mga ito ang mga bata sa kanilang criminal activities ay paparusahan ang mga ito ng habambuhay na pagkakabilang o reclusion perpetua.
232