IPINATAWAG ni Malolos City Mayor Christian Natividad ang mga kabataang lumalahok sa mga gang sa lungsod pati ang kanilang mga magulang upang paalalahanan sa parusang maari nilang kaharapin kaugnay ng pagpapaigting ng ipinatutupad na curfew matapos ang pagkakapaslang sa isang PWD kamakailan. (Kuha ni ELOISA SILVERIO)
PINAIGTING ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang kanilang City Ordinance No. 07-2004 o mahigpit na pagpapatupad ng curfew partikular na sa mga kabataan kasunod ng pagpaslang sa isang person with disability noong araw mismo ng Bagong Taon kung saan nasasangkot ay mga menor de edad.
Magugunita na ang biktima na si Christopher Velasco, 32, single, residente ng 274 Don Antonio St., Brgy. San Gabriel, City of Malolos, Bulacan ay napagtripan ng grupo ng kabataan noong araw mismo ng Bagong Taon kung saan ito ay pinagsasaksak hanggang sa mapatay.
Ang walong suspek na kinabibilangan ng limang menor de edad at lider nito na si Joshua Paul Magsakay, 18, ay agad naaresto sa follow-up manhunt operation ng Malolos PNP matapos magbigay ng P200,000 cash reward si Mayor Christian Natividad.
Sa nasabing krimen ay ipinatawag ni Natividad ang lahat ng gang sa lungsod kasama ang mga magulang ng mga ito upang paalalahanan at bigyan babala.
Nabatid na nasa 60 leaders ng mga gang ang ipinatawag kasama ang mga magulang mula sa 22 grupo na mayroon nang kasapi hanggang 1,500.
Ang mga ipinatawag na mga kabataan ay sumasali o bumabarkada sa mga “gangsta style” na ayon sa mga report ay may mga miyembro na nasasangkot sa mga krimen tulad ng droga, pagnanakaw, saksakan, patayan, batuhan, riot at panggugulo sa mga paaralan, lansangan at simbahan.
Nais ng alkalde na maibalik ang magandang relasyon sa pamilya ng mga kabataan at hindi mapariwara at malulong sa masasamang bisyo.
“Gusto ko ipaalala sa mga batang ito at lalo na sa mga magulang na ang batas pa rin ang mangingibabaw at walang puwang sa Lungsod ng Malolos ang ano mang uri ng krimen kung saan ang mga napapabayaang menor de edad ang nasasangkot,” wika ni Natividad.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga magulang na nagpapabaya sa kanilang mga anak na maaari rin silang managot sa krimen kasasangkutan ng kanilang mga anak.
Ayon kay Natividad nakahanda siyang tulungan ang mga kabataan at bibigyan ng pagkakataon na maisaayos ang pamumuhay sa pamamagitan ng scholarship at livelihood program.
Sa direktiba ni Natividad, pinapaalalahanan ang lahat ng punong barangay sa mahigpit na pagpapatupad ng City Ordinance No. 07-2004 o curfew sa mga menor de edad.
Nakasaad sa ordinansa na ipinagbabawal ang paglabas ng mga menor de edad, 18 taong gulang pababa mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga at nagtatakda rin ng karampatang multa at parusa sa mga mahuhuli gayundin sa kanilang mga magulang.
294