CURRENT EVENTS

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

NASA elementary ako noong huling bahagi ng dekada ’70 kung saan si Macoy o Ferdinand Marcos Sr., ang Pangulo ng Pilipinas at isa sa mga tinatalakay namin sa aming Araling Panlipunan subject ay current events.

Kahit nasa probinsya kami, alam na namin kung sino ang minister ng education, sino ang prime minister, sino ang iba pang ministro o mga miyembro ng Gabinete ni Macoy.

Maging ang mga lider ng ibang bansa na bahagi ng current events, ano ang mga nangyayari sa Pilipinas at ­maging sa buong mundo ay ­itinuturo sa amin ng aming ­araling panlipunan subject.

Mine-memorize namin ang mga pangalan ng mga lider ng ating bansa kapag nagbigay sa amin ang aming teacher ng kopya ng updated information sa gobyerno at lipunan dahil bigla na lang nagpapa-quiz si sir.

Kaya alam na alam natin kung sino ang ministro ng edukasyon, ng agrikultura, ng national defense at kung ano-ano pang mga departamento sa gobyerno kasama na ang mga namumuno sa security forces ng ating bansa.

Hindi ko alam kung hanggang ngayon ay bahagi pa ng curriculum sa basic education ang current events pero napakunot noo ako nang isang bibong bata ang pinatulan ko at tinanong ko kung sino ang ­secretary ng isang departamento.

Nagulat ako dahil hindi alam ng bata gayung Grade 5 na siya at may google na ­ngayon hindi tulad noong panahon namin na kailangan mong pumunta sa library kapag may assignment ka na wala sa libro na inisyu sa iyo ng eskwelahan.

Noon panahon pala namin, bawat isa sa amin ay may libro na bigay ng school at ibabalik mo yun pagkatapos ng school year. Ngayon mukhang wala nang libro ang karamihan sa mga estudyante at kung meron man may kahati sila na kapitbahay at kaklase nila.

Ibig lang sabihin na nawala na ang current events na bahagi ng araling panlipunan subject. Mas kilalang-kilala ng mga bata ang mga karakter sa video games o YouTube channel na pinapanood nila kesa sa mga namumuno sa mga ahensya ng gobyerno.

Ang punto ko, kung ang isang Grade 5 ay hindi alam ang mga lider ng bansa, eh ‘di mas lalong hindi nila alam ang mga nangyayari sa lipunan at maging sa ibang bansa kahit armado na sila ng internet?

Kaya siguro kung aamyendahan man ang basic ­education law o ang K-19 program ay tiyaking ibalik ang ­current events sa mga aralin ng mga estudyante para magkaroon ng kaalaman ang mga ito sa mga nangyayari sa lipunan.

Nakakaawa ang mga estudyante na sa kabila ng makabagong teknolohiya ay hindi nila alam ang pangalan ng mga namumuno sa ating bansa maliban sa pangalan ng pangulo ng Pilipinas.

Basic lang ang mga impormasyon sa loob ng bansa kaya nagtataka ako kung bakit hindi na yun itinuturo. Kung ang isang basic information ay hindi nila alam, papaano sila matututo?

114

Related posts

Leave a Comment