HINDI nag-atubili si Stephen Curry nang tanungin hinggil sa muling pagsasama nila ni Brooklyn Nets superstar Kevin Durant.
Sa panayam ni Rolling Stone Magazine’s Matt Sullivan, direktang sumagot ang Golden State Warriors star.
“Hell, yeah!” panimulang tugon ni Curry.
Kasunod nito, ipinaliwanag niyang nagkaroon siya at ang Warriors ng pag-uusap hinggil sa pagbuwag sa team’s roster, kahit kapapanalo lang sa 2022 NBA Finals (nang talunin ang Boston Celtics sa six games) at nakatuon sila sa title defense sa darating na season.
Ayon kay Curry, 34, naging bukas siya sa ideya hinggil sa trade issue ni Durant. Dinagdag niyang ‘misunderstood’ si Durant at dahil aniya sa mga nangyayari sa player, kaya’t tila hirap itong magtiwala sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Kaya nang banggitin sa kanya ang posibilidad na magkasama silang muli, ikinatuwa niya iyon sa kabila nang hindi magandang hiwalayan ng Warriors at ni Durant.
“And if you said, ‘Oh KD’s coming back, and we’re gonna play with him,’ I had so much fun playing with him those three years, I’d be like, ‘Hell yeah!’ ” pahayag ni Curry sa Rolling Stone.
Inimagine na rin ni Curry ang potential roster kasama si Durant, habang naririyan din sina Andrew Wiggins, Jordan Poole at Draymond Green. Positibo siya na walang makapipigil sa Warriors.
Dagdag niya: “If anybody’s saying that you wouldn’t entertain that conversation — no disrespect to anybody on our team — but you don’t know how things work. But you also understand, like, if we run this thing back, I’ve got complete confidence in my team that we can win it again, as constructed.”
Kung matatandaan, nag-request ng trade sa Brooklyn si Durant. Pero nag-reconcile ang player at ang Nets at ngayon ay naghahanda para mahablot ang championship ng 2022-23 season.
Kaya naman sa papasok na NBA season, magkaribal pa rin sina Curry at Durant, na inaasahang first time maghaharap sa December 21 sa Brooklyn. (VT ROMANO)
