“DA at DTI, nagbabantay ba kayo ng presyo ng mga bilihin?”
Ganito ang tanong ni Senador Imee Marcos sa kabila ng report ng Philipine Statistics Authority (PSA) kahapon na nasa 2.5% lang ang inflation rate nitong Oktubre dahil ang totoong presyo sa mga palengke ngayong araw ay higit pang mas mataas dahil sa epekto ng bagyong Quinta at Rolly.
Kaya nanawagan si Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na kontrolin ang panlalamang ng profiteers na dahilan ng biglaang pagsirit ng presyo ng mga bilihin.
“Hindi dapat tumunganga ang DA at DTI hanggang mailabas ng PSA ang susunod na ulat sa Disyembre bago pa matukoy ang mga suggested retail prices (SRPs) para sa baboy, manok, baka, isda at gulay,” ani Marcos.
Base sa survey sa mga palengke sa Quezon City, San Mateo at Maynila na isinagawa ng tanggapan ni Marcos, lumitaw na sumipa sa 33.3% hanggang sa 200% ang presyo ng mga gulay.
Lumitaw na kada kilo ng repolyo mula sa dating Php60, tumaas ito sa Php80, ang sibuyas mula sa Php80 umakyat na sa Php260, patatas mula sa Php40 sumirit ito sa Php70, pipino mula Php40 naging Php70, Baguio beans mula Php80 mabibili na ito sa Php160, red bell pepper mula Php160 ay Php300 na, at green bell pepper mula Php100 sumirit sa Php300 ang presyo.
Taliwas naman sa 3.7% inflation sa isda na naiulat ng PSA, tumaas mula sa 25% hanggang 33.3% ang frozen galunggong na ngayo’y ibinibenta na sa Php260 kada kilo mula sa dating Php200, matambaka na ngayo’y Php300 mula sa dating presyo na Php240, yellowfin tuna na ngayo’y Php300 mula sa dating Php240 at hasa-hasa na mabibili na ngayon sa Php230 mula sa dating Php240.
Sa iniulat naman ng PSA na meat index inflation na 4.7% ay napakalayo ng diperensya sa 13.3% hanggang 100% na pagtaas sa presyo ng baboy, manok at baka sa mga palengke.
TRAIN Law ibasura
Kaugnay nito, muling iginiit ng mga militanteng grupo sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagbasura sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ngayong tumataas na naman ang presyo ng mga bilihin.
Ginawa ni House deputy minority leader Carlos Zarate ng Bayan Muna ang nasabing panawagan sa gobyerno matapos maitala ang 2.5% na inflation rate noong Oktubre.
Katumbas ito aniya ng 30% na nawala sa budget ng mamamayan sa pagbili ng pagkain.
Mas mataas ito ng 0.2% sa 2.3% na inflation rate na naitala noong Setyembre na indikasyon umano na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan o ang pagkain.
“Other means to lower inflation is to repeal taxes like the TRAIN law,” ani Zarate dahil mula nang ipatupad aniya ang buwis na ito noong Enero 2018 ay hindi na napigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Bukod dito, kailangan magkaroon aniya ng moratorium sa penalties at interes ng mga utang ng mamamayan at mga negosyante at maging sa mga bayarin sa tubig, kuryente at komunikasyon.
Hangga’t hindi aniya ito ginagawa ng gobyerno ay magpapatuloy ang paglobo ng inflation rate o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa lalo ngayong panahon ng kalamidad.
Malaking dagok aniya ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na ito sa gitna ng walang kasiguraduhan sa kita ng mga ordinaryong manggagawa dahil sa pandemya sa COVID-19.
“Marami ang nawalan ng hanapbuhay at nabawasan ang kita. Kung hindi mapigil ang price hikes sa mga basic commodities, saan kukunin ng mga tao ang pang-aabono nila?,” tanong pa ng mambabatas. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
