WALANG ginawa ang pamunuan ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at hinayaan na lamang maglakad ang mga pasahero pauwi sa kanilang bahay dahil sa kawalan ng bus na kanilang masasakyan sa loob ng terminal dahil sa ipinaiiral na community quarantine sa Luzon.
Sa sumbong ng ilang pasahero, dakong alas-6:00 kamakalawa ng hapon ay nakapila na sila papasok sa loob ng PITX subalit sa dami ng pasahero at ilang patakaran na kanilang ipinairal katulad ng bag inspection at pag-screen sa kanilang Identification Card, ay inabot sila ng ilang oras dito.
Subalit pagdating nila sa loob ng PITX, panibagong kalbaryo ang sumalubong sa kanila at kinakailangan nilang muling pumila sa counter para sa assigned bus na kanilang masasakyan na muling inabot ng ilang oras dahil sa dami ng mga tao.
Karamihan sa mga pasahero na na-stranded sa loob ng PITX ay mga empleyado at trabahador na pumasok sa kani-kanilang opisina at tanggapan at umuuwi ng Cavite area.
Ayon sa mga pasahero, mangilan-ngilan lamang ang bumibiyaheng bus bukod pa sa 25 pasahero lamang ang pinahintulutang isakay ng mga ito kaya naipon ang daan-dang pasahero na umaasang makasakay at makauwi sa kanilang tahanan.
Nabatid na tumatanggi ang ilang bus company na bumiyahe dahil umano lugi sila sa 25 na pasahero lamang habang ang iba at nagkansela ng kanilang pasada dahil sa umiiral na community quarantine.
Pero ang masaklap, ayon sa mga pasahero ay wala umanong altenatibong paraan ang pamunuan ng PITX kung paano makauuwi ang mga stranded na pasahero.
Hinayaan na lamang umano ng pamunuan ng PITX na sila ay murahin ng mga galit at pagod na pasahero.
“Ang gusto lang naman namin, kahit maghintay kami ng ilang oras, ay assurance na makakauwi kami” himutok ng isang naglakad na pasahero.
At dahil walang maasahan mula sa pamunuan ng PITX, ala-1:00 kahapon ng madaling araw, ilang pasahero ay nagdesisyon na maglakad na lamang papauwi habang ang iba ay umasa at naghintay pa ng hanggang alas-3:00 ng madaling araw na may masasakyan sila hanggang sa nagdesisyon na rin na maglakad mula PIXT hanggang sa makarating sa area ng Bacoor City kung saan nakasakay ng pampasaherong jeepney patungo sa kanilang destinasyon. (SIGFRED ADSUARA)
414 