KAILANGANG bilisan na ng Department of Education (DepEd) ang pagre-release ng 2022 salary differential upang magkaroon ng dagdag na panggastos ang mga public school teacher ngayong pataas na nang pataas ang presyo ng mga bilihin.
Ito ang iginiit ni House Assistant Minority Leader France Castro sa DepEd dahil Marso na ay hindi pa natatanggap ng public school teachers ang kanilang salary differential ngayong taon.
“The concerned government agencies should have done the process immediately after the release of the 2022 budget because this is an anticipated salary differential and the third tranche of the salary standardization,” ani Castro.
Nakasaad sa Salary Standardization Law (SSL) 5 na ngayong 2022 ang ikatlong tranche ng dagdag na sahod sa lahat ng government employees subalit hindi pa natatanggap ng mga guro at iba pang government employees ang dagdag na sahod ng mga ito.
Kailangan na kailangang aniya ng government employees ang dagdag sahod na ito lalo na’t pataas na nang pataas ang presyo ng bilihin dahil sa pandemya at dahil sa giyera sa Ukraine.
“Itong DBM at DepEd ay laging magkasabwat sa delay na pag-release ng benepisyo tulad ng Performance Based Bonus, ngayon naman pati itong salary differential ng mga guro,” paninita ni Castro.
Mas inaatupag aniya ng DepEd ang 15/30 salary scheme imbes na dagdag na sahod na matagal nang inaasahan ng mga guro lalo na’t nakalagay na aniya ito sa SSL 5, at pagpapahirap sa mga guro ng bagong “Result-based Performance Management System”.
“The salaries of teachers cannot keep up with the demands of their work and their daily needs. It is about time that the Duterte administration prioritize education and provide our teachers with the substantial salary increase they were promised,” ayon pa sa lady solon. (BERNARD TAGUINOD)
902
