DANNY LIM, MATAPAT AT MAHUSAY NA TAGAPAGLINGKOD NG BAYAN

ISANG malungkot na ­balita ang bumungad sa atin sa umpisa ng taong 2021.

Kamakailan lamang ay napabalita ang biglaang pagpanaw ni Metro Manila Development ­Authority (MMDA) chairman at dating military general na si Danny Lim noong ika-29 ng ­Disyembre, 2020.

Sa kasamaang palad ay kabilang si Lim sa mga nasawi dahil sa ­komplikasyon ng ­COVID-19.

Ayon sa mga ulat, nagsisimula nang gumaling si Lim mula sa pagkakaroon ng COVID-19 ngunit bigla itong nag-cardiac ­arrest noong Miyerkules ng umaga.

Ito ay patunay na hindi talaga basta-basta ang nasabing virus lalo na para sa mga taong mayroong mga ­comorbidity gaya ng diabetes, high blood, at iba pa.

Isang malaking kawalan para sa ating bansa ang pagpanaw ni Lim. Isa si Lim sa mga masisipag, mahusay, at matapat na tagapaglingkod sa publiko.

Ang malungkot na balitang ito ay ininda ng ilang mga senador gaya nila Senate President Vicente Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Risa Hontiveros, at ni Sherwin Gatchalian.

Puno ng papuri at pagkilala ang mga ibinahagi ng mga nasabing mambabatas kaugnay ng ­malungkot na balitang ito.

Hindi matatawaran ang pagsisikap ni Lim sa pagbibigay ng proteksyon sa ating bayan bilang sundalo, at ang kanyang kahusayan at karunungan bilang chairman ng MMDA sa kabila ng mga hamon ukol sa trapiko at transportasyon.

Gaya ni ­Pangulong Rodrigo Duterte, si Lim ay galit din sa ­korapsyon. ­Kaisa siya ng ­administrasyon ng ­Pangulo sa pagsugpo nito dahil ito ay natukoy na isa sa mga pangunahing dahilan ng suliranin sa daloy ng trapiko sa bansa.

Sa ilalim ng pamumuno ni Lim, noong 2019 ay natanggap ng MMDA ang pinakamataas na rating mula sa Commission on Audit sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 45 na taon ng operasyon nito.

Ang rating na ­’unqualified opinion’ ay ibinibigay lamang ng COA sa mga organisasyong naging patas at matapat sa presentasyon ng lahat ng kanilang dokumento ukol sa pananalapi.

Sa panahon ng pamumuno ni Lim ay nakitaan ang MMDA ng ­pagsusumikap at dedikasyon sa pagtaguyod ng mas matalino at mas malinaw na paggastos sa ­pondo ng ­publiko.

Ang dedikasyong ito ang ­naging dahilan upang ­kilalanin ng COA ang MMDA bilang isa sa mga matuwid na ­sangay ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni ­Pangulong Duterte.

Ang biglaang pagpanaw ni Lim ay tiyak na pansamantalang mag-iiwan ng matinding marka sa MMDA.

Kailangang paghusaying mabuti ng bagong uupong Chairman ang kanyang trabaho dahil sa husay na ipinamalas ni Lim.

Kailangan niyang siguruhin na ang kanyang mga programang ilulunsad ay patuloy na magpapataas sa kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Napakahalaga sa tagumpay at pag-unlad ng ekonomiya ng isang bansa ang pagkakaroon ng mga lider na kagaya ni Lim. Isang lider na matapat, mahusay, ­mapagkakatiwalaan, at may matibay na integridad.

Ang mga kagaya ni Lim ay mahirap palitan at mahirap kalimutan.

185

Related posts

Leave a Comment