OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
MARAMI sa ating mga kababayan ang sabik na sabik na sa pagsapit ng Hunyo 30, dahil iyon ang araw kung kailan pormal nang uupo at manunungkulan si incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang bagong pangulo ng bansa kapalit ni outgoing President Digong Duterte.
Kaya naman lalong nagiging interesado ngayon ang taumbayan sa mga itatalagang opisyal ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang Gabinete na hanggang ngayon ay hindi pa rin kumpleto, na nagdudulot naman ng ibayong pananabik sa mga tao.
Higit pang naging kapana-panabik ang mga nangyayari sa Gabinete nang mismong akuin ni BBM ang portfolio ng Department of Agriculture, dahil na rin sa aniya ay kailangang matutukan ito nang husto ng pamahalaan.
Nangangamba kasi siya na maaaring makaranas ng matinding kagutuman ang maraming mamamayan dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong pagkain na pinalala pa ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sinasabi rin ng maraming mga nagmamasid na ang pag-ako ni BBM sa DA portfolio ay sampal mismo kay incumbent Agriculture Secretary William Dar dahil sa kabiguan niyang matulungan ang mga lokal na magsasaka at mapaunlad ang industriya ng pagsasaka.
Umani ng matinding batikos si Dar dahil sa halip na buhusan niya ng tulong ang mga magsasaka at maging ang mga mangingisda ay laging importasyon ang nakikita niyang solusyon para punuan ang kakulangan sa pagkain ng ating bansa.
Para ngang ginawa na niyang polisiya ang importasyon dahil halos lahat na lang ng mga kailangan nating produktong pagkain maging ang mga sangkap sa pagluluto tulad ng bawang, sibuyas, luya at maging ang asin, ay inaangkat pa natin sa ibang bansa.
Ang polisiyang ito ni Dar ay nagresulta sa matinding paghihirap ng ating mga magsasaka at mga mangingisda at patuloy rin ang kakapusan ng suplay ng pagkain para sa ating mamamayan.
Kaya naman isang magandang hakbang ang ginawa ni BBM na pamunuan mismo ang DA dahil nagpapakita ito ng determinasyon niya na matulungan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda at lutasin din ang nakaambang suliranin ng kagutuman.
Dahil sa ginawang ito ni BBM ay tiyak mahihinto na rin ang mga kalokohan at pananamantala na ginagawa ng mga sindikatong kumikilos sa DA at mga kasabwat nilang mga opisyal sa kagawaran.
Panahon na para gibain ni BBM ang iba’t ibang cartel na kumikilos diyan sa DA at ibalik ang katinuan sa pamamahala rito.
Kapag nagawa niya iyon ay tiyak na malulutas na ang kakapusan sa suplay ng pagkain at mapapaunlad na rin niya ang industriya ng agrikultura at maging ang kabuhayan ng ating mga lokal na magsasaka at mangingisda.
245 