DAPAT UMUWI SI ZALDY CO PARA MAKULONG SI BBM

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MUKHANG stress na stress na si Zaldy Co dahil kung ang kanyang hitsura sa inilabas na video ang pagbabatayan, nangangayayat na siya, nagkabungi na siya at tumanda nang husto. Totoo talaga ang sinasabi ng mga doctor, stress kills you!

Malayong-malayo ang hitsura ni Zaldy Co bago siya nasangkot sa flood control projects scandal o bago siya umalis ng bansa noong July 19, 2025, base sa video na inilabas niya matapos ang halos apat na buwan na hindi nagparamdam habang sumasabog ang eskandalo sa flood control projects.

Noong nasangkot siya sa laptop scandal at Pharmally scandal, mukhang hindi niya ‘yun ininda pero itong pinakamalaking corruption sa kasaysayan ng bansa na kinasasangkutan ng maraming institusyon, mukhang ininda niya.

Pero sabi nga ng mga doctor, para malabanan ang stress, harapin mo ang problemang nagpapa-stress sa ‘yo at huwag mong taguan dahil lalong lalala lang ang problema mo na magpapalala sa kalusugan mo.

Ang dapat gawin niya ay umuwi sa Pilipinas mula sa ibang bansa kung saan man siya naroroon at harapin ang mga ibinibintang sa kanya at patotohanan ang kanyang mga alegasyon laban sa magpinsang sina Bongbong Marcos at Martin Romualdez.

Kailangang patotohanan niya ang kanyang alegasyon. Kailangang panumpaan niya at maglabas siya sa korte ng mga ebidensyang hawak niya kung talagang nais niyang mapanagot sina Marcos at Romualdez.

Hangga’t hindi niya ‘yan ginagawa, mananatiling hearsay ang kanyang mga alegasyon dahil kahit magsagawa ng motu-propio investigation ang Office of the Ombudsman ay kailangan pa ring niyang patotohanan nang personal ang kanyang alegasyon laban sa magpinsan.

Nais ng sambayanang Pilipino na mapanagot ang lahat ng mga sangkot sa anomalyang ito dahil kung hindi ay magpapatuloy ang katiwalian sa pamahalaan ng matataas na opisyales ng gobyerno.

Kung puro maliliit ang makukulong at maparurusahan sa anomalyang ito at mananatiling malaya ang mas matataas ay hindi mareresolba ang katiwalian sa pamahalaan at lalong lalakas ang loob ng mga iyan na magnakaw.

Kahit magpalit pa ang gobyerno ay mananatili pa rin sa kapangyarihan ang mga utak sa katiwaliang ito, kaya dapat umuwi si Zaldy Co para patotohanan ang kanyang mga alegasyon laban kina Marcos at Romualdez lalo na kung nais niyang maparusahan ang mga ito at mabigyan ng katarungan ang sambayanang Pilipino.

Maaaring may banta nga sa buhay niya kaya ayaw niyang umuwi pero kung talagang gusto niyang magpakabayani at mabigyan ng katarungan ang sambayanang Pilipino ay dapat siyang umuwi.

Isa siya sa pinakamayaman sa Kongreso at may kakayahan ang kanyang pera na maproteksyunan ang kanyang seguridad kaya hindi tanggap ng mga Pilipino na idahilan ang kanyang kaligtasan kaya hindi siya uuwi!

142

Related posts

Leave a Comment