PUMANAW na ang 82-anyos na dating dating Foreign Affairs Secretary Roberto “Bobby” Romulo, ayon mismo sa pamangking si Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Kilala ang yumaong dating DFA Secretary sa kanyang makulay na karera sa gobyerno, Una siyang itinalagang ambassador ng Belgium, Luxembourg at sa Commission of European Communities.
Nang maupo naman sa Palasyo si Fidel V. Ramos, itinalaga si Romulo bilang DFA Secretary at kalaunan ay bumalik sa pribadong sektor bilang chairman ng AIG Philippines Insurance, PETNET, Inc. MediLink Network Inc. at Nationwide Development Corporation (NADECOR).
Bago pa man pinasok ang karera sa gobyerno, nagsimula siyang mamasukan sa IBM Corporation na nakabase sa New York City kung saan siya nakitaan ng potensyal, hudyat para siya’y idestino sa iba pang tanggapan ng IBM sa Thailand at itinalagang managing director, at sa Pilipinas kung saan naman siya hinirang na Presidente at General Manager ng IBM Philippines.
Si Romulo, higit na kilala bilang anak ng bayaning si Carlos P. Romulo, ay nagtapos ng primary, secondary at tertiary education sa Estados Unidos. Pagbalik sa Pilipinas, itinuloy naman niya ang kanyang pag-aaral sa Ateneo de Manila kung saan siya nagtapos ng abogasya.
Ang matandang Romulo ang unang Pilipino na nahirang na Pangulo ng United Nations. (CHRISTIAN DALE)
211
