NAGKAROON umano ng ‘gross miscarriage of justice’ noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil isinakripisyo ang maliliit na tao para pagtakpan ang mga mastermind sa ilegal na drogang dumating sa bansa noon.
Dahil dito, posibleng paharapin sa pagdinig ng Kamara ang prosecutor na humawak sa kontrobersyal na puslit na P12 billion droga.
Sa ika-14 pagdinig ng Quad Committee kahapon, hindi naitago ng leader chairman nito na si Rep. Robert Ace Barbers ang kanyang pagkadismaya dahil imbes na mga mastermind ay mga fall guy umano ang nasentensyahan ng hanggang 40 taong pagkakabilanggo.
“Ang mga pagpuslit ng tone-toneladang droga na nagkakahalaga ng mahigit labindalawang bilyong piso (P12B), na ibinintang sa maliliit na tao ay isang kahina-hinalang hakbang upang pagtakpan ang mga tunay na may kinalaman,” ani Barbers.
Tinukoy ng mambabatas ang mga indibidwal na isinakripisyo aniya sa high-profile drug cases na sina Mark Taguba, bodegerong si Fidel Anoche Dee at Bureau of Customs intelligence officer Jimmy Guban na nagdurusa ngayong habang ang mga tunay na nagparating ng shabu na nakumpiska sa isang bodega sa Valenzuela City ay hindi kinasuhan.
“Si Mark Taguba, isang batang negosyante, sumasalo lamang ng mga pinarating ng mga nag-angkat o importer ng mga bagay-bagay kasama na ang ilegal na droga. Wala siyang alam sa laman ng containers,” ani Barbers.
Imbes na ang may-ari umano ng bodega kung saan nakumpiska ang shabu ay si Dee na matanda na ang kinasuhan habang ang mga opisyales sa BOC na nagpalabas ng kargamento na may lamang droga ay walang nakasuhan.
Dahil dito, nais ipatawag ng komite ang dating prosecutor na may hawak sa kaso nina Taguba na si Aristotle Reyes upang alamin kung bakit maliliit na tao lamang ang kanyang pinakasuhan at nawala ang malalaking tao at Chinese nationals.
“Si dating prosecutor Aristotle Reyes na diumano matapos sampahan ng kaso ang mga fall guys ay na-promote bilang isang RTC judge na ngayon ay balitang diumano ay nag-a-apply din bilang isang justice ng Sandiganbayan kung ito man po ay totoo,” ani Barbers. (BERNARD TAGUINOD)
