DATING SPORTSWRITER, MAY DEATH THREATS

ISANG dating mamamahayag na ngayon ay general manager ng isang construction firm, ang nagpa-blotter sa National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDG) dahil sa death threats na kanyang natatanggap mula sa kanyang dating ahente at tatlong dating empleyado na kanyang sinibak sa kumpanya dahil sa ginagawa umanong katiwalian.

Ang mga suspek ay kinilala lamang sa pangalang Christine, Mark, alyas Madam Lola at Myla.

Sa reklamo sa NBI at CIDG ni Virginia Rodriguez, dating sportswriter ng Manila Bulletin, mula nang sibakin niya ang mga suspek ay pinagbabantaan na umano siya na papatayin.

Aniya, kumuha ang isa sa mga suspek ng bayarang gunman at nagbigay ng paunang bayad na P100,000 upang siya ay ipatumba.

Sinabi ni Rodriguez, sinisirahan pa umano siya ng mga suspek sa mga taong kakilala niya sa gobyerno upang sila ang makapagpatuloy ng mga proyekto matapos nakawin ang ilang dokumento sa kumpanya.

Ayon kay Rodriguez, kumpleto siya ng mga ebidensya hinggil sa planong pagpatay sa kanya at paninira.

“Sina Christine, Mark, alyas Madam Lola at Myla ay nagkita sa isang lugar upang planuhin ang pagpatay sa akin.

Kumontak ang isa sa kanila ng dating military gunman upang itumba ako sa halagang P1 million,” akusasyon pa ni Rodriguez.

Aniya, mula nitong nakaraang linggo ay mayroong mga kotse na umiikot sa kanyang bahay upang manmanan siya at mayroon din mga kahina-hinalang sasakyan na sumusunod sa kanya tuwing siya ay lumalabas ng bahay.

Bukod sa pagpapa-blotter sa NBI at CIDG ay nakatakda nang magsampa ng kaso sa korte sa Las Piñas si Rodriguez laban sa mga suspek.

Ayon kay Atty. Joel Diokno, abogado ni Rodriguez, isasampa nila sa korte ang kasong grave threats, slander at cyber libel sa mga suspek. (DAVE MEDINA)

175

Related posts

Leave a Comment