PINATUNAYAN nina Francis Alcantara at Ruben Gonzales na hindi importante ang height sa larong tennis nang talunin ang mga nakalabang sina Petros Tsitsipas at Markos Kalovelonis ng Greece kahapon.
Dahil sa 7-6, 6-4 panalo nina Gonzales at Alcantara ay hindi nabokya ang bansa sa Davis Cup 2020 World Group II Playoffs sa Philippine Columbian Association (PCA) clay court sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Pinigilan ng Southeast Asian Games double gold medallist na sina Alcantara at Gonzales na mawalis ng Greece ang host Philippines sa pag-agaw sa krusyal na doubles match.
Naghabol ang mga Pinoy hanggang umabot sa tiebreak ang laro at pagkaraa’y sinamantala ang errors ng kalaban upang kunin ang unang set, 7-6.
Agad umatake sina Tsitsipas at Kalovelonis sa ikalawang set para sa 3-1 bentahe, bago muling sinunggaban nina Alcantara at Gonzales ang muling pagkakamali ng mga dayuhan, 6-4.
“Noong na-break yung serve ko, then all we knew tiebreak na. Good thing we were up 4-1 and we won it 7-5,” sabi ni Alcantara, nakahinga ng maluwag sa pagtatala ng panalo sa torneo.
Ayon kay Gonzales, hindi sila makapagpraktis nang madalas ngunit dahil kabisado na nila ang bawat isa ay nagawa nilang maipanalo ang laban.
“We didn’t get to play doubles together very much, so it took as a couple of games to get out tactics right, and once we got the tactics right, executing them, paliwanag ni Gonzales. “We got a lot of chances to break, so I thought we’re in it the whole time. Then, we got a good break and we got a good game to close.”
Samantala, hindi umubra si Jeson Patrombon kay world No. 6 Stefanos Tsitsipas, na tinalo rin ang isa pang Pinoy na si AJ Lim.
Gaya ni Lim kamakalawa, walang kahirap-hirap na tinalo ni Tsitsipas kahapon si Patrombon, 6-2, 6-1, upang ibigay sa Greece ang 3-1 lead sa Davis Cup World Group 2 playoff.
256 