ISANG aktibong Dawlah Islamiya sub-leader na kumikilos sa Cotabato province, ang napatay nitong Linggo sa military operation sa bayan ng Banisilan lalawigan ng Cotabato.
Kinilala ni Maj. Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division, ang napatay na sub-leader ng Dawlah Islamiya-Hassan Group na si Amarudin Kulaw, alyas “Alpha King,” na minsang nagsilbing “Amir” (pinuno) ng DI Hassan Group.
Batay sa ibinahaging impormasyon, nakatangap ng intel report ang Philippine Army hinggil sa presensya ni Kulaw sa Barangay Tinimbacan, Banisilan, Cotabato province kaya agad nagsagawa ng operasyon ang military bandang alas-1 ng madaling araw nitong Linggo.
Nakuha ng militar ng isang M653 rifle mula kay Kulaw, na itinuturing na high-value target dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad gaya ng panununog, paglabag sa Anti-Terrorism Act, double murder at tangkang pagpatay.
(JESSE RUIZ)
182 