NANGAKO ang COMELEC Malabon na bibigyan agad ng solusyon ang mga panawagan ng mga nagkilos-protesta hinggil umano sa nangyaring malawak na dayaan sa Malabon City.
Ang pangalawang pagkapanalo ni Jeannie Sandoval bilang alkalde ng nasabing lungsod ay inalmahan ng mga tagasuporta ni dating Congresswoman at kumandidato bilang punong lungsod na si Jaye Lacson-Noel, na nagkilos-protesta sa harap ng Malabon City Hall kinabukasan pagkatapos ng eleksyon.
Ang nasabing kilos-protesta ay sumiklab kasunod ng pagkapanalo at proklamasyon ni Mayor-elect Jeannie Sandoval at ang itinuturong dahilan ay ang umano’y dayaan na nangyari sa gabi ng botohan.
Ayon sa mga tagasunod ni Lacson, mahirap paniwalaan ang naging resulta ng botohan dahil lantad umano na nakapagtatakang nanalo sa pangalawang termino si Sandoval.
Dahil sa kanilang paniniwala na hindi maayos ang nangyaring botohan, nanawagan ang mga ito na magsagawa ng mano-manong bilangan para malaman kung sino ang tunay na nanalo sa eleksyon.
Agad namang sinagot ng Commission oN Election (COMELEC) Malabon ang hinaing ng mga tagasuporta ni Lacson at nanindigan na maayos at walang dayaang nangyari sa araw ng bilangan ng boto.
“Kung tingin ninyo mayroon po talagang dayaan o iregularidad, pwede naman po maghain ng mga reklamo sa tama. Sampung araw pagkatapos ng naging proklamasyon ng kandidato,” ayon sa COMELEC.
Nananawagan naman si Mayor Jeannie Sandoval sa kanyang mga kapanalig na igalang ang karapatan ng kabilang panig at ang tanging may karapatan na resolbahin ang problema ay ang COMELEC.
(MARDE INFANTE)
