DE-KAMPANILYA BA O DE-TILILING LANG?

SAKSI NGAYON INSIDER Ni FERNAN ANGELES

SA nalalapit na pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa, higit na kailangan niyang makapagtalaga ng mga henyo at sinsero sa kani-kanilang larangan.

Ang totoo, maraming natuwa nang buksan ni Marcos Jr. ang mga posisyon sa gabinete sa mga taong labas sa kanyang talaan ng mga kaalyado. Sina Benjamin Diokno sa Department of Finance (DOF), Felipe Medalla sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Alfredo Pascual sa Department of Trade and Industry (DTI), Arsenio Balisacan sa National Economic Development Authority (NEDA), Bienvenido Laguesma sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Susan Ople sa Department of Migrant Workers (DMW).

Ang siste, mukhang masisira ang line-up ni Marcos Jr. kung mahahaluan ang kanyang koponan ng isang abogadong pulutan sa mga huntahan dahil sa kakaibang ikinikilos.

Bakit nga naman hindi pupulaan si Sagip Party-list Rodante Marcoleta kung sa  pagiging ­kongresista niya’y pawang ­basurang panukala lang ang inihain sa plenaryo. Anong buti ang dulot ng kanyang panukalang batas na tanggalan ng krusipiho ang mga silid sa mga pagamutan?

Alam ba niyang 90% ng ­populasyon sa bansa ay pawang Kristiyano? Batid din ba ni Marcoleta ang likas na pagiging relihi­yoso natin – lalo pa sa panahon ng kagipitan o bingit ng kamatayan?

Bakit niya nais tanggalin ang imaheng pinaghuhugutan ng pag-asa ng mga taong nasa balag ng peligro?

Ang masaklap, isinulong din niya bilang mambabatas na bigyan lang ng P1,000 annual budget ang Commission on Human Rights (CHR) dahil sa hindi pagpanig sa Pangulo sa kinasangkutang kaso sa International Criminal Court kaugnay ng madugong giyera kontra droga – na tila ba kailangang unahin ng CHR ang isang tao kumpara sa mahigit 6,000 kataong biktima ng extra­judicial killings.

Ang nakakatawa, paulit-ulit na sinabi mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kailangan ang CHR. Kung ganun, bakit pinagpipilitan ni Marcoleta na salagin ng CHR ang Pangulo. Ang sagot – nagpapapansin lang.

Bilang isang abogado, alam marahil ni Marcoleta na malabong makulong si Duterte dahil sa ­kanyang edad, dagdag pa ang kawalan ng matibay na ebidensyang direktang patunay ng kanyang papel sa naturang patayan.

Ang tanong – de ­kampanilyang abogado ba talaga si Marcoleta o sadyang may tililing lang?

Kung ang sagot ay ang pangalawa, hindi siya uubra sa DOE! Ang kailangan ng naturang departamento ay isang eksperto lalo pa’t may nagbabadyang krisis sa enerhiya pagsapit ng taong 2023.

Anong gagawin niya sa DOE? Ipagbawal naman ang panonood ng mga programa ni Vice Ganda sa TV para makatipid ng kuryente? O baka naman isusulong niyang gumamit ng tambo bilang transportasyon para makatipid sa langis! (Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

409

Related posts

Leave a Comment