DEATH TOLL SA POWER PLANT FIRE, UMAKYAT SA 3

QUEZON – Umakyat na sa tatlo ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring pagsabog at sunog sa Pagbilao Power Plant sa Barangay Ibabang Polo sa bayan ng Pagbilao sa lalawigan noong gabi ng Oktubre 31.

Pinakahuling binawian ng buhay si Alvin Subeldia, empleyado ng Kapit-Bisig Ugnayan Multi-Purpose Cooperative, pumanaw nitong Huwebes ng umaga sa The Medical City, Pasig City, matapos ang halos dalawang linggong pakikipaglaban para sa kanyang buhay.

Sa opisyal na pahayag ng Pagbilao Energy Corporation (PEC), labis ang kanilang ang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Subeldia, ang ikatlong biktima ng naturang insidente.

Nauna nang pumanaw sina Vince Ayala at Michael Castillo, kapwa empleyado rin ng kompanya.

Ayon sa PEC, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga nasawi upang maibigay ang emosyonal, pinansyal, at post-mortem care na tulong.

Sa pitong iba pang nasugatan sa insidente, dalawa na ang nakalabas ng ospital, habang ang ilan ay nananatiling sumasailalim sa specialized medical care.

Dagdag pa ng pamunuan ng kumpanya, nagpapatuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon hinggil sa sanhi ng sunog na nagsimula umano sa dust collector ng Unit 3 ng planta.

Samantala, umaapela ang Pagbilao Energy Corporation sa publiko na bigyan ng pribadong panahon at espasyo ang pamilya ni Alvin upang makapagluksa sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.

(NILOU DEL CARMEN)

42

Related posts

Leave a Comment