INAASAHANG dedesisyunan bukas, Setyembre 17 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang usapin tungkol sa pagbabawas ng physical distancing sa mga pampublikong transportasyon.
Ito ang sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque sa harap ng nabuo nang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) ukol sa usapin.
“Si Presidente na po ang magde-decide. Ang aking ulit-ulit na sinasabi, nakabase po ito sa siyensa at sa mga advice ng mga doctor, dahil ang mga doctor, iba-iba rin po ang mga pananaw,” ayon kay Sec. Roque.
Ani Sec. Roque, nabuo ang rekomendasyon matapos ang anim na oras na pagpupulong ng Task Force kahapon na dinaluhan ng mga dati ring DOH secretary gaya nina Dra. Esperanza Cabral at Dr. Manuel Dayrit.
May iba pa aniyang eksperto na kasama sa pulong na nagpresenta ng kani-kanyang argumento sa subject matter.
Subalit sa hinaba-haba ng diskusyon ani Roque ay nakapagdesisyon din sa bandang huli ang IATF na ang pasya aniya ay ibinatay sa siyensa.
“Wala pong isang opinyon pagdating dito sa pagbawas ng isang dangkal lang naman na social distancing sa pampublikong mga transportation,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)
