Defensor nababahala sa made-delay na second dose NATURUKAN NG ASTRAZENECA NGANGA

“WHAT happens to those with first dose of AstraZeneca?”

Ito ang ibinatong tanong ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa mga kinauukulan dahil made-delay umano ang second shipment ng naturang bakuna at posibleng mabawasan pa ang ipinangakong karagdagang donasyon mula sa World Health Organization (WHO).

“I am sure this is also the question many of the more than 500,000 healthcare workers and senior citizens who chose the British-Swedish vaccine have in mind,” ani Defensor.

Ayon sa mambabatas, inaaasahan na lalo pang magkakaproblema sa supply ng AstraZeneca dahil sa desisyon ng India na ipatigil ang pag-export ng nasabing gamot na ginagawa sa kanilang bansa.

Sinabi ng mambabatas na sa inisyal na advisory ng vaccine makers, kailangan ang pangalawang dose sa loob ng 28 araw matapos mabakuhahan ng unang dose.

“If we follow the 28-day dosing interval, they should get their second dose before the end of this month, at the latest. But the second shipment of AstraZeneca is expected to be delivered next month or in June yet because of short supply,” ayon sa mambabatas.

Dahil dito, kailangang linawin aniya ng Department of Health (DOH) kung ano ang mangyayari lalo na sa mga nabakunahan na ng unang dose, kapag hindi dumating ang panibagong doses sa itinakdang panahon.

“Would they still have to receive the booster shot or would they have to repeat the first shot?” tanong pa ni Defensor.

Noong Marso ay natanggap ng Pilipinas ang 487,200 doses ng AstraZeneca mula sa COVAX facility ng WHO at sinundan ito ng 38,000 doses noong Marso 7, kaya umaabot ito sa 526,000 doses.

Sa inisyal na plano, gagamitin ito sa 262,000 health workers at senior citizens para sa dawalang shots, subalit dahil sa pagtaas ng COVID-19 case ay iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin, maging ang nakareserbang second doses upang maprotektahan ang may 526,000 katao.

Gayunpaman, noong Lunes, sinabi ng kinatawan ng WHO sa Manila na made-delay ang second shipment ng AstraZeneca at malamang na mabawasan pa ang ipinangakong supply dahil sa nabanggit na problema sa India.

Ang AstraZeneca ang piniling bakuna ng mas nakararaming medical frontliners at senior citizens kumpara sa Sinovac ng China na umaabot sa 2.1 million doses kung saan 1.1 ang donasyon ng nasabing bansa habang ang 1 milyon ay binayaran ng gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)

136

Related posts

Leave a Comment